October 21, 2025 | 12:00am
IPINAHAYAG ni Department of Public Works and Highways secretary Vince Dizon na kailangan niyang alisin ang lahat ng kawani ng ahensiya mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang posisyon upang masala ito at maalis ang mga kawatan.
Dapat lang dahil kalakaran na sa DPWH ang anomalya sa mga proyekto kaya nagkakamal ng limpak-limpak na pera ang mga korap. Pero alam kong ginagamit din lang sila ng mga pulitiko.
Sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee, isiniwalat nina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Engr. Henry Alcantara, Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, mag-asawang Curlee at Sarah Discaya at si Sally Santos na may pera silang ipinarating sa mga senador at kongresista.
Nagbago naman ang ihip nang hangin nang magbitiw si Sen. Ping Lacson sa Blue Ribbon na sinabayan naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Kaya back to zero na naman ang imbestigasyon ng Blue Ribbon.
Sa palagay ko, dapat isulong ang parusang bitay sa mga korap. Ito ang magandang parusa sa mga magnanakaw ng pondo ng bayan, Kung kulong habang buhay, magtatawa lamang ang mga korap na pulitiko at mga kawani ng pamahalaan lalo na sa DPWH.
Kaya kung nais talagang mawalis ang mga korap, ibalik ang bitay sa mga nagnanakaw ng pondo ng bayan. Kung may hatol na bitay, magbabago ang isip ng mga korap dahil buhay nila ang kapalit kapag nahuli silang nangungulimbat.