ICC Judge sa Duterte case, kabilang sa pinatawan ng sanction ni Trump


MANILA, Philippines — Pinatawan ng parusa ni US President Donald Trump ang apat na mahistrado ng International Criminal Court (ICC) dahil sa pag-iisyu ng warrant of arrest laban kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at desisyon na pabuksan ang isang kaso ng umano’y war crimes ng US troops sa Afghanistan.

Ang apat na hukom sa The Hague ay hindi papayagang makapasok sa Amerika.

Kabilang sa mga pinatawan ng parusa sina Solomy Balungi Bossa ng Uganda, Luz del Carmen Ibanez Carranza ng Peru; Rene Adelaide Sophie Alapini Gansuo ng Benin at Beti Hohler ng Slovenia.

Si Alapini Gansou ay kabilang sa mga hukom na humahawak sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa mga kasong crime against humanity dahil sa kampanya laban sa illegal na droga noong kanyang administrasyon.

Isa rin siya sa dalawang ICC judges na ipinadi-diskwalipika ng kampo ni Duterte mula sa paghawak ng nasabing kaso.

“As ICC judges, these four individuals have actively engaged in the ICC’s illegitimate and baseless actions targeting America or our close ally, Israel. The ICC is politicized and falsely claims unfettered discretion to investigate, charge, and prosecute nationals of the United States and our allies,” sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio.

Samantala, mariin namang kinondena ng ICC ang hakbang ng administrasyon ni Trump at tinawag nila itong tangkang pahinain ang kalayaan ng isang pangdaigdigang institusyong panghukuman na nagbibigay ng pag-asa at hustisya sa milyun-milyong biktima ng kalupitan.