ICI members, adviser itinalaga ni Pangulong Marcos


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

September 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inanunsiyo na ng Malakanyang ang mga ­pangalan na bubuo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mag-iimbestiga sa anomalya sa flood control projects sa bansa.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na miyembro ng komisyon sina dating Public Works Secretary Rogelio “Babes”  Singson at SGV & Company Executive Rosanna Fajardo na isang certified Public Accountant.

Magsisilbi namang special adviser ng ICI si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Habang wala pa namang itinatalagang chairman ng komisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Castro, ang mga itinalagang indibidwal ay mayroong kakayahan at integridad, at malalim na pagkakaalam sa infrastructure, finance at institutional reform.

Bukod dito, ang pinakamahalaga aniya sa lahat ay wala ni isa sa kanila ang konektado sa anumang ahensiya o kontratistang iniimbestigahan dahil karapatan ng publiko na magkaroon ng isang tunay na independent commission.

Nilinaw naman ni Castro na hindi sasaklawan ng ICI ang anumang gagawin ng DPWH dahil ito ay itinuturing lang na isang independent fact finding commission at hindi makikialam sa anumang sangay ng gobyerno.

Depende naman aniya sa lalabasan ng pagsusuri ng ICI at sa rekomendasyon ni DPWH Secretary Vince Dizon kung magkakaroon ng suspensyon sa implementasyon ng floo control projects.