SA gitna ng mga sigalot sa sektor ng agrikultura, muling pinatunayan ni Sen. Raffy Tulfo na siya ay tunay na tinig ng mga naaapi ngayon para sa mga magsasakang Pilipino. Sa kanyang talumpati sa Senado noong Agosto 4, iginiit ni Tulfo ang muling pagsusuri sa Rice Tariffication Law (RTL), isang batas na matagal nang pinapasan ng mga magsasaka ngunit hindi pa rin nila nararamdaman ang ipinangakong benepisyo.
Ayon kay Tulfo, bagama’t maganda ang layunin ng RTL na pababain ang presyo ng bigas para sa mga mamimili, hindi nito naabot ang mga inaasahang resulta. Ang presyo ng bigas ay pabagu-bago at hindi naging makabuluhang mas mababa. Ngunit ang pinakamalaking tanong ay ito: Nakabuti ba ito sa mga magsasaka?
Ang kanyang sagot: Wala. Sa halip na tumaas ang ani at kita ng mga magsasaka, mas dumami ang inaangkat na bigas sa ibang bansa dahilan para bumagsak ang presyo ng palay sa lokal na merkado. Ang mga magsasaka na umaasa sa kanilang ani para sa ikabubuhay ay nawawalan ng dahilan para ipagpatuloy ang pagsasaka.
Isa rin sa mga isyung binigyang-diin ni Tulfo ay ang limitasyon ng distribusyon ng binhi sa ilalim ng RTL. Iniaalok lamang ang inbred rice seeds, habang mas mataas ang potensiyal ng ani sa paggamit ng hybrid rice seeds na ginagamit sa ibang bansa. Ang ganitong polisiya ay nagpapabigat sa kalagayan ng mga magsasaka.
Hindi rin pinalampas ng senador ang umano’y katiwalian sa implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Sa ulat na kanyang natanggap, hindi mga lehitimong magsasaka ang nakikinabang sa mga ayudang binhi, abono, at pautang, kundi mga kaanak o kaibigan ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan. Isang malinaw na anyo ng pag-abuso sa sistemang dapat ay para sa kapakanan ng mga nagtatanim.
Malinaw ang panawagan ni Tulfo: kailangang balansehin ang layunin ng liberalisasyon ng merkado at ang kapakanan ng lokal na sektor ng agrikultura. Hindi sapat na kontrolin lang ang presyo ng bigas; kailangang tiyakin na ang mga nagtatanim ay hindi nalulugi kundi kumikita at nabubuhay nang may dignidad.
Hindi ito unang beses na tumindig si Tulfo para sa mga ordinaryong Pilipino. Ngunit sa panahong ito ng krisis sa pagkain, lalo pang tumingkad ang kanyang pagiging “Idol ng masa”. Sa kanyang paninindigan, naipakikita niya na ang tunay na serbisyo ay hindi lamang pagbibigay ng boses sa mga walang lakas kundi ang pag-aksyon laban sa mga polisiya at sistemang hindi makatao.
Sa harap ng mga suliranin ng bansa, kailangan ay mga lider na hindi lang marunong magsalita kundi may tapang ipaglaban ang tama. At sa isyu ng bigas at kabuhayan, si Tulfo ang isa sa nagsasabing: Hindi puwede ang palpak. Hindi tayo puwedeng manahimik.