Ihambing: EDSA busway at tradisyunal na pulitika


MAIHAHAMBING ang EDSA busway sa kalakaran ng bansa. Masdan sa maikling daanan ng bus ang maruming tradisyunal na pulitika, o “trapo”.

Para sa kaalaman ng mga hindi taga-Metro Manila, ang EDSA busway ay isa sa anim na lanes kada direksyon ng pinakamalapad na kalye ng bansa. Ekslusibo ito para sa mga bus. Sakay ng mga bus ang karaniwang Pilipino: walang kotse o motorsiklo, naghahanapbuhay, nag-e-eskwela, namimili, nagpapagamot, nagpapasyal.

Bawal dumaan sa busway ang mga pribadong sasakyan. Maski sasakyang gobyerno ay bawal maliban ku’ng sa Presidente, VP, Senate President, House Speaker, o Chief Justice. Maski pulis o militar ay bawal.

Pwede lang ang hindi bus ku’ng may emergency: ambulansya, bombero o patrol car na may tinutugis.

Parusa sa paglabag: 1st offense, P5,000; 2nd offense, P10,000 at isang buwang suspensyon ng driving license; 3rd, P20,000 at isang taong suspensyon ng lisensya; 4th, P30,000 at kanselasyon ng lisensya.

Pero marami pa ring lumalabag. Araw-araw may ­nahuhuling mga pribadong sasakyan. Palusot ng driver, nagmamadali o hindi alam.

Mas masaklap ay ang abusadong paggamit nito ng mga “trapo” at kamag-anak nila: isang senador, isang kongresman, isang governor, tatay ng senador, anak ng senador, kasintahan ng kongresman, mayor ng ku’ng saang lupalop, at PNP chief. Nababalita sila.

Ugali ng mga “trapo” na agawin ang para sa maliliit at maralita. Ibinubulsa imbis na ipamahagi ang ayuda. Kumi-kickback nang hanggang 70 percent ng halaga ng proyekto, na galing sa buwis ng taumbayan.

Ku’ng garapal na ninanakaw ng “trapo” ang yaman ng bayan, eh ang EDSA busway pa kaya?

At ngayon aalisin daw ang busway para magamit ng mayaman.