November 11, 2025 | 12:00am
Ang pagkalbo sa mga kabundukan at ang palpak at flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dahilan nang malawakang pagbaha.
Idagdag pa ang pagiging gahaman ng ilang local government units (LGUs) sa pagbibigay ng mga permiso sa pagmimina at pag-quary ng mga kabundukan na sumira sa kalikasan. Kumakamal ang mga ganid na opisyal ng limpak-limpak na salapi mula sa illegal na pagku-quarry at pagmimina sa mga kabundukan.
Nakita ang epekto ng pagmimina at quarying nang hagupitin ni Bagyong Tino ang Cebu at iba pang probinsiya sa Visayas Region noong nakaraang linggo. Halos walang natira sa mga kabahayan matapos anurin nang malakas na agos mula sa mga nakalbong kabundukan.
Kawawa ang mamamayan na nagbuwis ng buhay dahil sa pagbungkal ng mga kabundukan. Sila ang apektado ng katakawan ng mga opisyal. Inuna ang mga “padulas” kaysa kaligtasan ng nasasakupan.
Samantala, napansin ko ang Iloilo man-made flood control/mitigation structure na kapuri-puri ang pagkakagawa. Saludo ako sa mga engineers sapagkat maayos ang kanilang plano sa project na ito. Mahusay ang pagkakagawa ng artificial river.
Hindi ko na rin babanggitin ang mga politiko na nagpursige sa pagpapalabas ng budget sa project dahil effective talaga ang man-made flood control/ mitigation structure. Ito ang masasabi kong nagligtas sa mga bahay at kabuhayan ng mga Ilonggo.
Nng hagupitin ng Bagyong Tino ang Iloilo, Capiz, Antique, Aklan at Guimaras, mabilis na humupa ang baha. Mabilis na umagos sa Jaro floodway palabas ng coastal area. Naging mahigpit ang LGUs sa pagtatayo ng mga kabahayan sa gilid ng flood control structure. Walang nagtatapon ng mga basura.
Hinangaan ko rin ang pagtatanim ng mga mangrove sa ilog kaya napanatili nito ang kalinisan. Maraming nakikinabang sa proyekto dahil maraming isda silang nabibingwit. Ang nasabing project ang dapat na maging halimbawa ng mga taga-DPWH sa pagpapagawa ng mga flood control projects. Maraming kabutihang naidulot sa mga Ilonggo ang proyekto. Saludo ako rito!