September 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Walang itinakdang panahon o oras si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para matapos ang imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na nais ng Pangulo na matapos agad ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para maparusahan ang mga nangurakot sa pondo ng taumbayan.
Subalit hindi aniya nagbigay ng timeline ang Pangulo kung kailan dapat tapusin ang imbestigasyon sa anomalya sa flood control subalit nais niya ang mabilisang pagtatrabaho.
Sa dami aniya ng mga dokumentong dapat siyasatin at pag-aralan ng komisyon ay hindi basta basta matatapos agad ito kaya bibigyan ng pagkakataon ang ICI na busisiin ang mga record ng DPWH at mga sangkot sa anomalya.
“Walang masasabi agad na timeline. Ang pinaka-timeline dito ay mas agaran o mas mabilisang pagtatrabaho. At mas mainam na matapos ito sa loob lamang ng ilang buwan,” ani Castro.
Nais makasiguro aniya ni Pangulong Marcos Jr. na matibay ang mga ebidensiya sa mga kakasuhan sa sandaling matapos ang imbestigasyon.
“Lahat ng mga dokumento ay kailangan aralin para kapag may isinampang kaso ay kumpleto ang mga dokumento,” dagdag pa ni Castro.
