Impeachment pambaling lang ng atensyon natin


NAIS ng Supermajority congressmen na litisin agad ng Senado si VP Sara Duterte.

In-impeach nila siya hindi para tanggalin sa puwesto. Binabaling lang ng mga tuta ng Bongbong Marcos admin ang atensyon ng madla mula sa mga katiwalian sa 2025 pambansang budget.

Itinutuon nila ang publiko sa mga katiwalian ni Sara.

Kontrobersyal naman talaga ang paggasta ni Sara ng confidential funds. Hindi niya mapaliwanag ku’ng pano na­­ubos ang P125 milyon sa loob ng 11 araw Dec. 21-31, 2022, pati Pasko at Rizal Day Holidays.

Mahigit P612.5 milyon ang walang resibo at paliwanag na gastusin. Pinapirma ang mga alyas Mary Grace Piattos, Chippy Mcdonald, Carlos Miguel Oishi, Fernando Tempura, Reymunda Nova.

Hindi naman mako-convict si Sara. Kailangan ng dala­wang katlo ng mga miyembro ng Senado, o 16 ng 24, para hatulan siyang guilty. Siyam na boto lang ay absuwelto na siya.

Malamang pa nga ay sampung senador ang mag-aabsuwelto. Hindi naman prosesong legal kundi politikal ang impeachment.

Nariyan sina loyalistang Bato dela Rosa at Bong Go, Robin Padilla na presidente ng PDP-Laban ni Rody Du­terte, Imee Marcos na kumumbinsi kay Sara nu’ng 2022 na kumandidatong VP imbis na Presidente, at Jinggoy Estrada na iniligtas ni Duterte sa sakdal na plunder.

Nariyan din si Cynthia Villar na hepe ng Nacionalista­ Party na sumuporta kay Rody Duterte bilang pangulo nu’ng 2016. Si Mark Villar na DPWH secretary ni Duterte. Si Allan Caye­tano na VP running-mate ni Duterte nu’ng 2016 at kapatid na Pia Cayetano. Si Bong Revilla, presidente ng Lakas ni Gloria Arroyo, maka-Sara.

Ang problema, hindi maaalis sa isip ng madla ang kat­i­walian sa budget. Tinanggal kasi ng Kongreso ang pondo ng PhilHealth at DepEd.