November 20, 2025 | 12:00am
SA panahong nangingibabaw ang ingay ng mga rally, emosyon sa social media, at algorithm na tila sinasadya tayong pag-away-awayin, madaling isipin na galit at kaguluhan ang pulso ng bansa. Ngunit ang bagong RPMD Foundation Inc. survey na ginawa noong Nobyembre 8-11, 2025 sa 1,800 respondents, nagtatama sa maling akalang ito at nagpapakita ng tunay na damdamin ng publiko.
Ayon sa datos, 60 percent ng mga Pilipino ang nagnanais na tapusin ni President Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang termino. Hindi ito simpleng pagkampi; ito ay paghahanap ng katatagan sa gitna ng mataas na bilihin, pang-ekonomiyang pangamba, at pagod sa walang katapusang political drama.
May 30 percent na nais siyang paalisin at 10 percent na undecided, pero hindi ito sapat upang sabihing may pambansang mandato para sa impeachment. Mas mabigat pa rin ang panawagan para sa kontinwidad kaysa kaguluhan.
Dagdag pa rito, 70 percent ang sumusuporta sa anti-corruption drive ng Pangulo, lalo na matapos ang matapang niyang pahayag na “mahiya naman kayo” kaugnay ng flood control anomalies. Malinaw na naniniwala ang marami na seryoso ang administrasyon sa panawagan ng pananagutan.
Lumala ang tensiyon nang lumabas ang video ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na iniuugnay ang Presidente sa korapsiyon. Ngunit wala siyang panunumpa, ebidensiya, o inihaing kaso, kaya mananatiling alegasyon ang lahat hanggang humarap siya sa korte.
Sa court of public opinion, hindi pa rin malinaw kung kakagat dito ang publiko—lalo na nang mauwi sa personalan ang ilang batikos. Sa katunayan, pinag-iinitan ngayon ng publiko ang “family ties attacks,” na ayon sa marami, may bad taste at hindi katanggap-tanggap sa kulturang Pilipino. Mahalaga sa atin ang pamilya; ang pagsira sa pamilya ng iba ay madalas nagreresulta sa simpatya para sa inaaping panig.
Dito nakita ang muling pag-angat ng suporta kay Marcos nang ang presidential sister na si Sen. Imee Marcos, ay nagbitaw ng akusasyong drug users umano ang mag-asawa—pati ang anak nila. Para sa maraming Pilipino, sobra ang ganitong atake at labag sa pinahahalagahan nating family bond.
Sa mga protesta, mismong mga grupo ay hindi nagkakaisa —may kontra kay Marcos, may kontra kay Vice President Sara Duterte, may unity groups, at nagbanggaan pa ang ilan. Maingay ang kalsada, pero hindi iisa ang mensahe.
Samantala, nananatili sa 57 percent–60 percent ang approval ng Presidente at 60 percent ang nais siyang tapusin ang termino—mas mataas kaysa 55 percent–57 percent ng Vice President. Sa dulo, malinaw ang konklusyon: mas pinipili ng nakararami ang kaayusan, respeto, at pagpapatuloy. Ang tanong: makikinig ba ang mga pulitiko sa tahimik na nakararami?
* * *
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09818100000.