Dear Dr. Love,
Isa po akong ina na puno ng panghihinayang. May manliligaw ang aking anak na babae na taga-ibang bansa. Maayos ang trabaho, mabait, at handa siyang pakasalan. Sa totoo lang, nakita ko na iyon na parang pagkakataon sana para makaahon kami sa hirap ng buhay. Matagal na kaming kapos, at aminado ako na minsan naiisip ko, baka ito na ang sagot sa aming mga dasal.
Pero sinabi ng anak ko na ayaw niyang sumama sa ibang bansa. Gusto raw niyang dito lang mamuhay sa Pilipinas, kasama ka-ming mga magulang niya. Masaya na raw siya sa simpleng buhay basta magkakasama kami. Bilang ina, dapat matuwa ako. Pero sa puso ko, may kirot at panghihinayang. Iniisip ko ang kinabukasan niya— at ang pagkakataong baka pinalampas namin.
Minsan naiisip ko, tama ba na hinayaan ko siyang sundin ang gusto niya? O dapat ba akong nangumbinsi para sa mas maginhawang buhay? Natatakot ako na balang araw, sisihin niya kami kapag nahirapan siya rito. Pero natatakot din akong masira ang relasyon namin kung pipilitin ko siya sa ayaw niya.
Maring
Dear Maring,
Ang tunay na pag-ahon sa hirap ay hindi nasusukat sa layo ng mararating, kundi sa tibay ng pusong pinanghahawakan. Hindi masama ang mangarap ng mas maginhawang buhay para sa pamilya. Lahat ng magulang ay may ganoong hangarin. Pero tandaan mo, ang pag-aasawa ay hindi tiket palabas ng kahirapan— ito ay pang habambuhay na desisyon na dapat nakaugat sa pag-ibig at hindi sa pangangailangan.
Kung ang anak mo ay pinili kayong makasama kaysa marangyang oportunidad, ibig sabihin mahalaga sa kanya ang pamilya. Iyan ay hindi pagkatalo, kundi tagumpay ng pagpapalaki ninyo sa kanya. Hindi lahat ng nasa abroad ay masaya, at hindi lahat ng nananatili ay naghihirap habambuhay.
Ang mahalaga ngayon ay suportahan mo siya sa landas na pinili niya. Turuan ninyo siyang magsikap dito. Baka ang tunay na pag-ahon ninyo ay manggaling sa talento, tiyaga, at pagkakaisa ninyo — hindi sa paglayo.
Alisin mo ang panghihinayang at palitan mo ng tiwala. Dahil kapag ang isang desisyon ay ginawa nang may pagmamahal at kalayaan, mas malaki ang tsansang magbunga ito ng tunay na kaligayahan. Ang pera ay kayang kitain.
Ang kapayapaan ng loob at pagkakaisa ng pamilya— minsan lang matagpuan.
DR. LOVE