Insertion | Pilipino Star Ngayon


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

PATULOY na namamayagpag ang mga pulitiko na sinasangkot sa maanomalyang flood control project ng DPWH. Unti-unti nang gumagapang itong mga gahaman sa puwesto sa pamahalaan sa pag-udyok sa taumbayan na umaklas na sa pamahalaan upang pababain ang mga nakapuwesto. Subalit sa nakakarami mukhang hindi akma na lahatin na pababain ang mga nakapuwesto sa pamahalaan dahil kung magkataon ay sinu-sino naman ang iluluklok natin sa puwesto upang maisalba ang Pinas sa korapsiyon?

Pagnagkataon tiyak na wala na tayong pag-asa na mabawi sa mga buwaya ang mga kinulimbat sa kaban ng bayan. Napapanahon nang lumutang ang mga taong ginamit ng mga gahaman at ibulgar ang kanilang mga nalalaman upang masampahan ng kaso.

Ngunit habang lumilinaw ang mga detalye, mas lumalabo ang kredibilidad ng nagbato ng akusasyon. Sapagkat kung babalikan ang proseso ng paggawa ng badyet, malinaw na nagpapakita ang mamamahayag ng kakulangan sa pag-unawa sa mismong salitang kanyang ibinabato: “insertion.” Kung sabagay usong-uso na ngayon ang mga fake news na gawa-gawa rin mismo nang ilang kapanalig ng ilang politico.

Sa ilalim ng ating Konstitusyon, amendment — hindi insertion — ang legal at tanging kinikilalang termino sa pagrebisa ng national budget. Ang amendment ay ginagawa sa plenaryo, bukas sa publiko, may tala sa opisyal na journal ng Senado, at pinapayagan bilang bahagi ng lehitimong demokratikong proseso.

Ang insertion, sa kabilang banda, ay isang political slang lamang— ginagamit ng ilan para ipahiwatig ang mga pondong idinagdag nang palihim, pagkatapos maisara ang deliberasyon. Hindi ito legal na konsepto. Sa madaling sabi, kapag ginamit ang salitang insertion bilang paratang, pero walang pruweba ng iligal na proseso, ito’y isang maling paggamit ng salita — at isang paglapastangan sa lohika at batas. Ang isang mamamahayag, higit sa lahat, ay may tungkuling magpaliwanag, hindi magpalabo.