October 16, 2025 | 12:00am
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Sinuspinde ang isang intelligence police chief na nakabase sa Oriental Mindoro dahil sa administrative offenses na isinampa ng isang abogado at mismong Philippine National Police noong Pebrero, 2025.
Si Lt. Col. Jaypee De Guzman, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Oriental Mindoro Provincial Police Office ay ginawaran ng 60-araw na suspensyon matapos mapatunayan na nagkasala sa Conduct Unbecoming of a police officer at Grave Irregularity in the Performance of Duty kaugnay ng R.A. 6713.
Ang ang suspensyon na may petsang Oct.13, 2025 ay nilagdaan ni Mimaropa police director Brig. Gen. Jovencio Badua, Jr.
Ang dalawang administratibong kaso laban kay De Guzman ay nag-ugat sa mga reklamo ng PNP at ni Atty. Josef Albert Comilang, officer-in-charge, ng National Prosecution Service, Department of Justice na nakabase sa San Pablo City, Laguna.
Sa panayam kay Comilang ng PSN sa telepono, sinabi nito na noong Feb. 13, 2025 bandang 9:25 p.m. ay nakatanggap siya ng tawag sa telepono mula kay De Guzman na nagsasabing “bine-verify ka kasi ng PNP”.
Dito, tinanong ni Comilang si De Guzman kung bakit siya bine-verify at sinagot naman umano siya ng -“kasi nag-legal counsel ka raw o nag-aabogado ka raw sa mga taong may drug cases.”
Dahil sa impormasyong hatid ni De Guzman, sinabi ni Comilang na siya ay dumanas ng pagkabalisa at takot sa kanyang buhay at sa kaligtasan ng kanyang pamilya.