Ipaglaban ang impeachment process! | Pilipino Star Ngayon


PARANG eksena sa Bubble Gang! Dumating sa Korte Suprema ang tropang circus ng mga Duterte: ang Duterte Youth na pinamumunuan ng gurang na “youth leader,” isang aboga­dong Hitler fanboy, at isang ex-congressman na umano’y nang-snatch ng cell phone ng kapwa niya mambabatas.

Ang pakay? Kasuhan ng indirect contempt sina Akbayan Rep. Perci Cendaña, Richard Heydarian, at iba pa, dahil sa pagpuna sa desisyong ibasura ang impeachment laban kay VP Sara Duterte. Ang reklamo? “Grave disrespect” daw. Naks sa drama!

Pero sino ba talaga ang bastos sa demokrasya? Yung lumalaban sa mali o yung ginagamit ang batas para patahi­mikin ang mga kritiko at protektahan si Sara?

Tatlong dating mahistrado, sina Chief Justice Artemio Pa­nganiban, Justices Adolfo Azcuna at Antonio Carpio, ang bumatikos sa desisyon. Ayon sa kanila, minadali ito, binago ang patakaran sa gitna ng proseso, at labag sa Konstitusyon. Kung ganito raw ang pamantayan, kanselado rin dapat ang impeachment nina Erap Estrada at Renato Corona!

Lampas 100 propesor at lecturer ng UP College of Law ang nanawagan ding bawiin ang desisyon. Dapat din daw gampanan ng Senado ang tungkulin nito.

Nagsampa naman ang civil society ng motion for reconsideration. Sumunod ang Kamara. Ang sigaw: itama ang maling desisyon! 

Pero hindi lang ito laban ng mga abogado. Galit na rin ang taumbayan, kaya pinupuntirya nila si Rep. Perci. Kung akala nila’y matatakot si Perci, nagkakamali sila. Siya ang kauna-unahang open gay UP Student Council Chair, LGBTQ+ advo­cate bago pa ito maging mainstream, at matapang na kritiko ng mga abusadong rehimen.

Siya ay bahagi ng Akbayan, partido nina Sen. Risa Honti­veros, Etta Rosales, at Representatives Chel Diokno, Dadah Kiram Ismulah at Kaka Bag-ao. Lampas 20 years na opo­sisyon at number one partylist nitong 2025 election. Kung ina­akalang matatakot nila ang partidong ito gamit ang lumang script, nahihibang sila.

Ngayong araw na ito (Agosto 6), nakatutok ang lahat sa Senado. Itutuloy ba nila ang impeachment process o papanig kay Sara?

Habang inaabangan natin ang susunod na kabanata, tuloy ang laban! Ipaglaban ang impeachment process!