Isda na P7 milyon ang halaga ninakaw, kinatay ng 3 helper sa resort


PAGBILAO, Quezon, Philippines — Kulungan ang binagsakan ng tatlong helper ng isang resort matapos umano nilang nakawin at katayin ang isang bihira at mamaha­ling isda na nagkakahalaga ng P7-milyon na pag-aari ng kanilang employer sa Barangay Bantigue sa ba­yang ito, kamakalawa. 

Batay sa ulat ng Pagbilao Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng tanghali sa loob ng Costa Solano Resort and Leisure Park ng nasabing barangay. 

Ayon sa imbestigasyon, palihim umanong kinuha ng mga suspek na sina alyas Dante, Aldrin, at Mario ang “arapaima” o “pirarucu” mula sa fishpond ng resort at dinala ito sa isang bahay sa loob ng resort saka ito kinatay. 

Nadiskubre ang insidente matapos na makita ng isang saksi ang ginagawang pagkatay sa nasabing mamamahaling isda at agad na ipinagbigay-alam nito sa foreman at security personnel ng resort, na naging dahilan ng pagkakaaresto ng tatlo. 

Ang ninakaw na arapaima ay may timbang na humigit-kumulang 90 kilo, may habang 6.7 talampakan, at tinatayang nasa 25-taong gulang at umano’y nagkahalaga ng P7 milyon. 

Kinikilala ang nabanggit na isda bilang isa sa pinakamalalaking freshwater fish sa mundo at maaaring umabot sa 200 kilo ang timbang at 10 talampakan ang haba. 

Nakapiit na sa municipal jail ang mga suspek na nahaharap sa kaukulang mga kaso.