Isoli muna ang tinangay bago mag-state witness


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

PAULIT-ULIT si Senador Rodante Marcoleta sa hearings ng Blue Ribbon Committee. Dapat daw gawin munang state wit­nesses ang mag-asawang kontratistang Curlee at Sarah Discaya. Saka na lang bawiin ang bilyun-bilyong kinabig nila mula sa mga ma-anomalyang flood control projects.

‘Yon daw ang saad ng batas. Mali si Marcoleta.

Ito ang patunay ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio:

Dapat isoli agad ang tinangay. Kinuha ng mga kontratista ang pera ng gobyerno mula sa peke, palpak, at overpriced na flood control projects. Inamin nila at ng DPWH district engineers na niluto nila ang biddings. Samakatuwid, walang legal o matinong batayan ang kinita.

Kaya walang karapatan ang mga kontratista sarilihin ang perang gobyerno. Kung hindi ito isoli, yumaman sila nang walang katarungan.

Saad ng Civil Code, Article 22, dapat isoli ninuman ang anumang pag-aari na nakuha nang walang batayang legal o katarungan.

Sa Witness Protection Law, Section 5 (d), obligasyon ng kinupkop na state witness tuparin lahat ng tungkuling legal at civil. Tungkuling legal ang pagsoli ng perang gobyerno na nakuha sa paraang ilegal o ‘di makatarungan. Hindi na kailangan ng utos ng korte kung magkasundo na sa halaga ang gobyerno at witness.

Kung hintayin pa ang paghusgang civil, maaring abutin nang taon o dekada. Malulustay ang halaga ng pag-aari.

Kaya dapat obligahin ng Dept. of Justice na isoli ng mga Discaya ang pera. Lalo na dahil, sa Witness Protection Law, Section 14, hindi na pwede panagutin ang witness tungkol sa itinestigo niya.

Kung hindi bawiin ang maduming kinita ng mga kon­tra­tista, mananaig ang pandarambong. ‘Ika nga, perfect crime.

Sino’ng mas marunong sa batas, si Justice Carpio o si Marcoleta?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).