October 24, 2025 | 12:00am
MATAPOS tuluyang mawalan ng paningin sa kanyang kanang mata, nagpasya ang isang jewelry store owner sa Alabama, U.S.A. na i-personalize ang kanyang bagong artificial eye sa pamamagitan ng paglalagay ng diamond dito.
Si Slater Jones ay maaaring may pinakamahal na prosthetic eye sa mundo. Matapos mawala ang kanyang kanang mata dahil sa isang malubhang sakit, lumapit ang binata kay John Lim, isang eksperto sa eye prosthetic, upang gumawa ng custom artificial eye na tunay na sumasalamin sa kanyang pagkakakilanlan bilang isang jewelry designer.
Ang kanyang artificial eye ay may 2 carat na diamond sa gitna nito. Ang natatanging “Gem Eye” ay kumikinang kapag nasisinagan ng ilaw, na ginagawa itong isang garantisadong agaw pansin saan man magpunta si Jones.
“Nawala ang aking mata, ngunit nagdulot ito ng bagong liwanag sa aking buhay,” sabi ni Jones tungkol sa kanyang kakaibang “alahas”.
Ayon sa gumawa nito na si John Lim, “Nakalikha na ako ng humigit-kumulang 10,000 artificial eyes para sa mga sanggol na anim na linggo pa lamang at mga matatandang 101 taong gulang, ngunit ito ang pinakamahal na nagawa ko.”
Nakakuha nang maraming atensiyon sa social media ang diyamanteng mata ni Slater Jones mula nang una niyang ipinakita sa publiko ilang buwan na ang nakararaan.
Ang iba naman ay nagpakita ng pag-aalala na maaaring mapanganib ang pagkakaroon ng mamahaling diyamante sa kanyang mga mata dahil “mainit ito sa mga mata” ng mga magnanakaw.
Pinatunayan ni Jones na ang pagsubok ay maaaring maging pagkakataon kung saan ginawa niyang artwork at inspirasyon ang isang medikal na pangangailangan, sa halip na magpatalo sa kawalan.