November 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay councilor ng hindi pa nakilalang salarin sa Zamboanga City nitong Sabado, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Julambri Utubara, 28 taong gulang, kagawad sa Brgy. Manicahan ng naturang siyudad.
Sa report ng Zamboanga City Police, ang biktima ay lulan ng motorsiklo nang magtungo siya sa Brgy. Sta Catalina at madaanan ang isang Kyle Navarro na tinanong siya kung anong ginagawa sa kanilang lugar.
Ayon sa pulisya, sumagot ang biktima na may kakausapin lang siya sa may dulo sa makipot na kalye ng nasabing barangay na tinanong pa nito kay Navarro kung ligtas ba siya sa kaniyang pupuntahan.
Gayunman, ilang saglit pa ay nakarinig na ng sunud-sunod na putok ng baril ang grupo ni Navarro at nang tunguhin nila ang lugar ay laking gulat nila ng makitang duguang nakabulagta na si Utubara sa tabi ng kaniyang motorsiklo.
Nagawa pang isugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara nang dead-on-arrival.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
