February 8, 2026 | 12:00am
DAHIL sa patuloy na pagsusulong ni PRO12 director Brig. Gen. Arnold Ardiente ng alternatibong pamamaraan sa pagpupulis, nagresulta naman ito ng tagumpay lalo na sa kampanya laban sa cigarette smuggling at illegal na droga. Ipinapakita lang ng PRO12 ang konkretong resulta —na nakabatay sa koordinasyon, presensya sa komunidad, at intelligence-led enforcement—habang pinatitibay ang tiwala ng publiko laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad.
Sa liderato ni Ardiente, ang mga tagumpay na ito ay sumasalamin sa isang estratehiya ng pagpupulis na matatag ngunit may pananagutan. “Sa halip na umasa lamang sa puwersa, isinasama ng aking liderato ang masinsinang intelligence work, inter-agency coordination, at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad upang tugunan ang mga ugat ng problemang nagpapalaganap ng ilegal na gawain,” ani Ardiente.
“Sa ganitong paraan, nagiging mas maagap ang mga yunit ng pulisya sa pagtukoy ng banta, pagputol ng supply chain, at pagprotekta sa mga komunidad—lalo na ang mga bulnerableng sektor—mula sa pangmatagalang pinsalang dulot ng ilegal na droga at smuggled na produkto,” ang dagdag pa ni Ardiente. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Matibay ang paninindigan ng PRO12 sa pagprotekta sa komunidad, pangangalaga sa integridad ng ekonomiya, at pagsusulong ng propesyonalismo sa pagpapatupad ng batas.
Sa pagsasanib ng mahigpit na pagpapatupad, pag-iwas, at pananagutan, patuloy na pinatutunayan ng rehiyon na ang epektibong pagpupulis ay maaaring maging mapagpasiya at nakasandig sa komunidad.
Habang patuloy ang pag-usad ng PRO12, nananatiling nakatuon sila sa Focused Agenda ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr na nasusukat ang resulta, pinatatag na pakikipag-ugnayan, at tumutugong serbisyo, upang matiyak na ang mga hakbang para sa kapayapaan at kaayusan ay nagdudulot ng tunay at pangmatagalang benepisyo para sa mamamayan ng SOCCSKSARGEN. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Noong Enero 2026, nagsagawa ang mga yunit ng PRO12 ng 127 operasyon laban sa smuggling ng sigarilyo, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 92 katao at pagkakakumpiska ng 14,796 reams ng smuggled na sigarilyo na may tinatayang halagang P12.29 milyon.
Isinagawa ang mga operasyong ito sa pamamagitan ng malapit na ugnayan ng mga provincial at city police offices, regional support units, at mga katuwang na ahensya, na nakatuon hindi lamang sa pag-aresto kundi sa pagputol ng daloy ng iligal na kalakalan.
Higit pa sa pagpapatupad ng batas, binibigyang-diin ng PRO12 ang preventive visibility, pakikipag-ugnayan sa mga lokal na stakeholders, at validation ng intelligence, upang matiyak na ang mga operasyon ay naaayon sa batas, at tumutugon sa mga isyu at alalahanin ng komunidad—lalo na sa mga lugar na madaling mapasok ng iligal na kalakalan. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!
Sa kampanya laban sa ilegal na droga, napanatili ng PRO12 ang matatag na momentum mula Enero hanggang Disyembre 2025, sa pamamagitan ng 1,456 operasyon na humantong sa pagkakaaresto ng 1,653 indibidwal.
Nasamsam sa mga operasyong ito ang mahigit 12.98 kilo ng shabu, 12.29 kilo ng dahon ng marijuana, at ang pagbuwag sa mga tanim na marijuana. Tinatayang halagang ?85.9 milyon ng ilegal na droga na tuluyang naalis sa sirkulasyon. Huli cow! Abangan!