Kapakanan ng PDLs, kanilang pamilya isusulong ni Tulfo


MANILA, Philippines — Isusulong ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na kandidatong senador ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ang kapakanan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) at kanilang pamilya.

Ang hakbanging ito ni Tulfo ay nang dumulog sa kanya ang mga miyembro ng AID DALAW Nationwide Movement dahil sobra-sobrang pananatili na ng kanilang mga kaanak na PDL kahit tapos nang bunuin ang kanilang sentensiya.

“Makakatulong po ako na kapag naihalal sa Senado, maghahain tayo ng resolusyon para maimbestigahan iyan, in aid of legislation, para mabalikan ang mga batas na pinapairal,” ani ni Tulfo.

Ayon pa kay Tulfo na kukunin niyang mga resource persons ang mga miyembro ng grupo at ibang PDLs para mas maipaalam sa mga kababayan ang kanilang kalagayan.

Ayon sa grupo, maliban sa mga mahal nila sa buhay na PDL, libu-libo pang preso ang nakakaranas ng sumusobra na ang sentensiya.

Samantala, may isang miyembro na dating PDL, ang nagbahagi ng kanyang kwento na sa kabila ng pagtatapos ng kanyang sentensiya, kinailangan pa niya ang writ of habeas corpus bago siya tuluyang mapalaya.