August 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang ipinatupad na ‘balasahan’ kamakailan ang sinasabing dahilan ng pagsibak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III.
Sa ginanap na press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na isang ‘factor’ ang reshuffle na ipinatupad ni Torre sa ilang matataas na opisyal ng PNP. Binalewala umano ni Torre ang kautusan ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ibalik sa dating puwesto ang mga inilipat na mga matataas na opisyal kabilang si Area Police Commander (APC) for Western Mindanao LtGen. Jose Melencio Nartatez.
Matatandaang inalis ni Torre si Nartatez bilang No. 2 man o Deputy Director for Administration (DCA) ng PNP at itinapon sa APC Western Mindanao. Ipinalit sa puwesto ni Nartatez sa DCA si Lt. Gen. Bernard Banac.
Kasunod nito, naglabas ng resolusyon ang NAPOLCOM na binabaligtad ang mga appointment na ginawa ni Torre at inutos na ibalik si Nartatez bilang DCA at si Banac sa APC Western Mindanao.
Muling ipinakita ni Torre ang umano’y kanyang paninindigan sa desisyon nang kanyang ipakilala si Banac sa flagraising ceremony bilang DCA.
Marami ang nagulat sa ginawang reshuffle ni Torre na ayon sa ibang eksperto ay nilabag ng dating PNP chief.
Nilinaw naman ni Remulla na wala siyang kinalaman sa relieved order at tanging prayoridad ni Pangulong Marcos ang pagpapaigting ng seguridad ng bansa at walang halong pulitika.
Aniya, sinunod lamang nila ang inutos ng Pangulo na mas paigtingin pa ang pagbibigay ng seguridad ng bansa.
Sinabi rin ni Remulla na presidential appointee si Torre kaya desisyon ng Pangulo kung sino ang kanyang napipisil na ipuwesto.
Sinabi rin niya na ang pagtanggal kay Torre ay mahirap pero kinakailangan at ginawa ito para sa pambansang interes.
Gayunman nilinaw ni Remulla na walang anumang nilabag o kaso si Torre na naging dahilan ng pagkakasibak nito.
Samantala, itutuloy pa rin ni Nartatez ang mga programa ni Torre partikular ang 5-minute response. Sisiguraduhin din ang seguridad ng mga vital installations at mga kaganapan tulad ng SONA at malawakang pagdiriwang tulad ng piyesta ng Quiapo.
