Lifestyle check sa flood control: Tutok sa luxury cars, buwis at permits


MANILA, Philippines — Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “lifestyle check” sa mga opisyal at ahensya na posibleng sangkot sa anomalya sa flood control projects.

Sismulan na raw ng Palasyo ang review sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan unang nakikitang may mga iregularidad.

“Unang-una, hindi po natin makakaila na may DPWH officials na sinasabing involved at malamang magsimula sila doon,” ani Palace press officer Claire Castro sa briefing nitong Miyerkules, August 27. 

Idinagdag niya na kabilang sa susuriin ang kung may umento sa kayamanan ng ilang opisyal na kitang-kita sa kanilang lifestyle gaya ng mga luxury cars.

“Maraming po tayong nakikita na maraming nagkakaroon ng luxury cars. Malamang dapat makikita rin po ito ng Bureau of Customs kung ito ba bayad sa mga taxes na required,” ani Castro. 

Sinabi ni Castro iimbestigahan din ng BIR at Commission on Audit ang mga transaksiyon at gastos ng mga sangkot.

Pinapaalalahanan din ang mga local government units na alamin kung may kompletong business at mayor’s permits ang mga contractor na nanalo ng milyon-milyong kontrata.

Ayon kay Castro, “Walang sisinuhin, walang malapit sa puso, walang kaalyado kung sino man na-involve dito sa sampahan ng kaso.”

Ano na ang nangyari?

Sinuri ni Marcos ang 11 flood-control at road projects sa Marikina, Iloilo, Bulacan at Benguet at natagpuan ang ilan na hindi umiiral, sira o substandard — kahit milyon-milyon na ang ginastos.

Sa bagong website na “Sumbong sa Pangulo,” umabot na sa 9,020 ang mga ulat mula sa publiko.

Nagkaroon na ng aksyon sa DPWH: 10 opisyal sa Bulacan 1st District ang sinibak, at inaresto ang district engineer ng Batangas 1st District na si Abelardo Calalo dahil sa tangkang panunuhol kay Rep. Leandro Leviste. Nag-file si Leviste ng kaso laban sa kaniya at nag-suggest pa na gawing state witness si Calalo.

Kasabay nito, nagsasagawa ng sarili-sariling imbestigasyon ang magkabilang kapulungan ng Kongreso habang pinupuntirya ng administrasyon na tiyakin na may pananagutan ang mga anomalya — simula sa mga milyong kontrata hanggang sa naka-display na mamahaling sasakyan at luho ng ilang indibidwal. — Mula sa ulat ni Dominique Nicole Flores