Nauubos sa gf ang allowance


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

August 28, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Ako po ay isang estudyante na araw-araw ay binibigyan ng allowance ng aking mga magulang. Ang problema po, imbes na sapat ang pera ko para sa pagkain at pamasahe, madalas nauubos ito sa paggastos ko para sa girlfriend ko.

Kapag nagyaya siyang kumain sa labas o bumili ng kung ano, hindi ko siya matanggihan kaya ako na ang laging nagbabayad.

Minsan po, napapabayaan ko na ang sarili ko—nagugutom, kulang sa pamasahe, o kaya ay nangungutang.

Alam kong mali, pero nahihirapan akong magsabi ng “hindi” kasi ayokong isipin niya na madamot ako.

Dr. Love, paano ko po maipapaliwanag sa kanya nang maayos na hindi ko kayang laging gastusan siya, at dapat ay matuto rin kami pareho na magtipid bilang mga estudyante pa lang kami?

Mico

 

Dear Mico,

Tandaan mo, hindi kayamanan ang sukatan ng pagmamahal, kundi ang respeto at malasakit sa isa’t isa. Kung totoo ang pagmamahal ng girlfriend mo, hindi niya haha-yaang maubos ang allowance mo para lang mapaligaya siya.

Matuto kang magsabi ng “hindi,” dahil hindi pwedeng laging “oo” kung ang kapalit ay gutom at utang.

Hugot, “Kung lagi kang ubos, baka dumating ang araw na pati puso mo ay mauubos din. At sa huli, hindi ka lang baon sa gastos—baon ka na rin sa sama ng loob.”

DR. LOVE