Dagdag buwis sa online gaming, ok kay Pangulong Marcos


MANILA, Philippines — Handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa plano ng Department of Finance (DOF) na magpataw ng panibagong buwis sa mga online gaming operator.

Ito ay kung mayroong sapat na pag-aaral sa buwis na ipapataw kahit na posibleng ikadismaya ito ng mga operator at mauwi sa underground ang kanilang operasyon.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang mungkahi ng DOF ay para naman sa ikabubuti ng mga Pilipino dahil batid aniya ng Pangulo na marami ang nagugumon sa online gaming.

Kasabay nito, sinabi ni Castro na paiigtingin ang paglaban sa mga hindi rehistradong online gambling dahil ­maraming mga Pilipino ang nagugumon at nalulubog sa utang dahil sa ganitong uri ng sugal.

Pag-aaralan din ng Pangulo ang mga panukalang batas na ipagbawal o kung hindi man ay higpitan ang online gambling, legal o ilegal man ang mga ito.

Titingnan din aniya ng Presidente kung ito ba ay makabubuti sa ekonomiya at kung makabubuti ito para sa taumbayan.

Bukas ang Palasyo sa mga mungkahi upang matugunan at mabawasan ang pagiging adik ng mga tao sa online gambling na nauuwi sa problema sa kanilang kalusugan.