Karumal-dumal na pagpatay sa mga pulis


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

February 3, 2026 | 12:00am

NATUKOY ng Quezon City Criminal Investigation and Detection Unit ang bahay ng pangunahing suspect sa pagpatay at pagtatapon ng bangkay ni PSMS Diane Marie Mollenido sa Bulacan at sa bangkay ng anak nito na si John Ysmael, 8, sa taniman ng Calamansi sa Tarlac. Kinilala ang mga suspects na sina Pia Panganiban, car agent at asawa nitong dismissed policeman na si Cristian Panganiban.

Idinamay ng mga suspects ang asawa ni PSMS Mollenido na si John Mollenido, dating pulis. Ito raw ang nag-utos para patayin ang policewoman at anak nito. Sabi ni Panga­niban, pinaluhod daw ni John habang nagmamakaawa si Diane. Ayon pa kay Panganiban, galit na galit daw si John dahil sa sobrang gahaman sa pera ni Diane. Na-inquest na ang mga suspect sa fiscals office.

***

Isa namang pulis ang pinatay at ibinaon sa septic tank Bgy. Mojon, Bulacan. Nakilala ang pulis na si SSgt Renato Casauay Jr. Nadiskobre ang pagpatay kay Casauay nang may lumutang na witness. Ayon sa witness, nagkaroon ng pagtatalo habang nag-iinuman sina Casauay at ang dati nitong police asset. Biglang pinaputukan ng asset si Casauay.

Matapos mapatay si Casauay, hinila ito ng asset sa septic tank at inihulog doon. Sinimento ang butas ng septic tank. Pinaghahanap pa hanggang ngayon ang asset na pumatay kay Casauay.

***

Samantala, tuluyan nang sinibak ang anim pulis ng Manila Police District (MPD) na nangholdap sa Makati City noong nakaraang linggo. Ang anim na holdaper ay nakadestino sa Malate Police Station-9. Pawang kababaihan ang kanilang hinoldap.

Nalaman ko na habang nakakulong sa Makati jail ang anim na pulis-holdaper ay may mga sumusulpot na biktima. Hinoldap din daw sila ng anim na pulis-MPD.

***

Hindi pa umiinit ang puwit ni PNP chief General Nartatez ay sunud-sunod na ang mga karumal-dumal at nakakakilabot na mga pagpatay sa mga pulis. Napansin ko na ang isa sa dahilan kaya may mga pagpatay ay dahil sa pera. Pagkagahaman ang nakikita kong rason kaya may mga pumapatay. Mataas na ang suweldo ng mga pulis dahil itinaas ito noong panahon ni Tatay Digong. Pero sa kabila na malaki na ang suweldo, gumagawa pa rin ng mga karumal-dumal ang mga pulis. Anong nangyayari sa mga pulis, General Nartatez.