Pilipino Star Ngayon
August 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Malugod na tinanggap ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagsasabatas ng Konektadong Pinoy Act, isang makasaysayang hakbang na magtitiyak na maaasahan, abot-kaya, at accessible ang internet sa buong Pilipinas.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Linggo kung kailan nag-lapse into law ang batas na ito, binigyang diin ni Cayetano ang papel ng Konektadong Pinoy sa modernisasyon ng digital infrastructure ng bansa.
“We welcome this law that modernizes our digital infrastructure, ensuring that all Filipinos have access to, and the use of, affordable, quality, and up-to-date information and communication technologies,” pahayag ni Cayetano.
Ang senador ang naging sponsor ng panukala sa 19th Congress bilang chair ng Senate Committee on Science and Technology.
Layunin ng Konektadong Pinoy Bill na gawing mas madali para sa mga service provider na pumasok sa merkado, pasiglahin ang kompetisyon, at mag-alok sa mga consumer ng mas maraming bilang at mas abot-kayang mga opsyon para sa mga serbisyo sa internet.
Uunahin din ng batas ang pag-install ng imprastraktura sa mga lugar na malapit sa mga paaralan at mag-aalok ng angkop na mga diskwento para sa mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan bilang bahagi ng corporate social responsibility ng DTIPs.
