February 5, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Apat na taon na akong may breast cancer. Tanging mister ko lamang ang nag-alaga sa akin. Pero last year ay nagbigti ang asawa ko. Hindi ko alam na marahil dumaranas siguro ng depression ang asawa ko, kaya hindi na niya nakayanan na makita ang kalagayan ko.
Naaawa ako sa nag-iisang anak namin na 11 years old na lalaki. Hindi na rin ako makapagtrabaho. Feeling ko ay hindi na rin ako magtatagal. Mabuti na lamang, mabait ang mga kapatid ko na tumutulong sa amin mag-ina ngayon.
Pero natatakot ako para sa anak ko. Paano na siya, na maagang mauulila sa magulang. Kinakausap ko siya na tibayan niya ang kanyang loob na huwag siyang tumulad sa tatay niya.
Umiiyak at niyayakap na lamang niya ako. Sana lang ay mabigyan pa ako ng konting oras na mabuhay para makapiling ko pa ang anak ko kahit paano.
Hazel
Dear Hazel,
Tiyak na naging mabigat sa kalooban ng iyong mister na makita ang iyong sitwasyon. Katulad din marahil sa nararamdaman ng iyong anak.
Patuloy mo siyang kausapin at ipaliwanag na maging matatag siya sa buhay. Pasalamat ka nga at nandiyan ang iyong mga kapatid na handang sumuporta at tumulong sa iyo.
Ngayon pa lamang ay hindi masama na ibilin mo ang iyong anak sa iyong mga kapatid. Upang maging panatag ang kalooban ng iyong anak. Sakaling anuman ang mangyari, alam niyang hindi siya mag-iisa.
Dr. Love