Mga pukyutan sa peru, kauna-unahang insekto sa mundo na pinagkalooban ng legal rights!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 4, 2026 | 12:00am

SA isang makasaysayang hakbang para sa pa­ngangalaga ng kalikasan, ang mga pukyutan (stingless bees) sa Peruvian Amazon ang kinikilala bilang kauna-unahang mga insekto sa mundo na pinagkalooban ng legal rights.

Sa pamamagitan ng mga bagong ordinansa sa pro­binsiya ng Satipo at bayan ng Nauta, binigyan ng proteksiyon ang mahigit 175 species ng nasabing pukyutan.

Kinikilala na ngayon ng batas ang kanilang karapatang mag-exist at mag-flourish sa isang malinis na kapaligiran na ligtas mula sa polusyon, habitat loss, at iba pang banta ng tao.

Sa ilalim ng bagong batas, ang mga pukyutan ay itinuturing nang “rights-bearing subjects,” at pinahihintulutan na ang mga tao na magsampa ng kaso sa korte sa ngalan ng mga insekto upang ipagtanggol ang kanilang kapakanan.

Ang hakbang na ito ay itinuturing na turning point sa “rights of nature” movement.

Mahalaga ang papel ng mga pukyutan hindi lamang sa polinasyon ng rainforest kundi pati na rin sa kultura ng mga Indigenous communities tulad ng Asháninka at Kukama-Kukamiria.

Matagal na nilang itinuturing na “kapa­milya” ang mga pukyutan at ginagamit ang honey nito bilang gamot sa iba’t ibang sakit.

Kasalukuyan ding isinusulong ng mga advocates na gawing pambansang batas ang proteksyon sa mga pukyutan sa buong Peru.