January 25, 2026 | 12:00am
Kapwa barbero sa Estados Unidos ang Filipino American na sina Julian Saluta at Ryford Estores na bagaman magkaiba ang landas, ay nakalikha ng sariling tatak sa propesyong matagal nang bahagi ng kulturang Pinoy. Sa panahon ngayon, hindi na gunting at suklay lang ang puhunan ng barbero—malaki ang papel ng social media sa pag-angat ng kanilang trabaho at sa pagbuo ng komunidad. Pareho nila itong pinatunayan sa Amerika, at pareho silang umangat dahil sa kombinasyon ng talino, tiyaga, at kakayahang sumabay sa digital na panahon.
Ayon sa isang ulat ni Gina Cherelus sa New York Times, mahigit dalawang taon na ang nakalipas mula nang itatag ng 30-anyos na si Julian ang barberyang pinangalanan niyang TheGallery DTLA sa Los Angeles. Hindi lang hanap-gupit ang mga dumadayo sa kanya; bahagi ng atraksyon ang posibilidad na maitampok sila sa Instagram at TikTok page ng kanyang barberya. Ang bawat gupit ay nagiging maikling dokumentaryo: paano nagsimula, paano ginupit, paano lumabas ang resulta. Sa social media rin nakikilala ng mga tao ang personalidad ni Julian bilang barberong parang “therapist,” tagapakinig, at minsan tagapayo sa mga usaping puso.
Tatlong beses sa isang linggo siya nagpo-post ng video ng kanyang mga kliyente. Karamihan ay lalaki, pero marami ring mula sa iba’t ibang kasarian, ethnicity, at sexual orientation. Ang barberya niya ay naging maliit na social hub: may mga nagkakaroon ng bagong kaibigan, may nakakahanap ng romantic partner, at may nakakahingi ng payo kung saan pwedeng dalhin ang kanilang date. Sa simpleng ideya ng pagpo-post ng gupit, nagkaroon siya ng online space kung saan nagtatagpo ang personal na kuwento ng mga tao.
Tubong Pilipinas si Julian. Dose anyos siya nang dalhin sa Amerika at katorse pa lamang nang magsimulang manggupit ng buhok—hindi bilang hobby kundi dahil sa pangangailangan. Pinagbuti niya ito, nanood ng mga tutorial, dumalo sa klase, at nagtrabaho pa sa L’Oréal West Hollywood kung saan hinasa ang kanyang pagkabihasa sa paggupit para sa mga celebrity. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na bumabalik ang kanyang mga kustomer hindi lang dahil sa kalidad ng gupit kundi dahil sa komportableng espasyo—isang barberya na may halong pag-aalaga.
Kung si Julian ay nagtagumpay sa pamamagitan ng personal na ugnayan at storytelling, ibang ruta naman ang tinahak ni Ryford Estores, 33-anyos, na kilalang imbentor ng Self-Cut System—isang portable na three-way mirror na may kasamang app na dinisenyo para sa mga lalaking gustong gupitan ang sarili nilang buhok. Ayon sa Entrepreneur, mula sa problemang simpleng “Ayoko nang pumila sa barberya nang apat na oras,” nakalikha si Ryford ng produkto para sa $2.5-billion male short-hair market. Umabot na sa $3 million ang value ng kanyang negosyo—lahat ito mula sa sariling kayod sa digital at mobile marketing- batay sa sinulat ni Loida Lewis sa FilAm mag.
Ipinanganak si Ryford sa San Jose, Batangas at lumipat sa U.S. nang walong taong gulang, matapos magpakasal ang kanyang ina sa isang Amerikano. Lumaki siya sa Ossining, New York, bitbit ang lakas ng loob at paniniwala sa American Dream. Nagtapos siya ng nursing, pero habang naglilingkod bilang nurse, hindi nawala sa isip niya ang magtayo ng negosyo.
Ang ideya para sa Self-Cut System ay nagsimula noong siya’y 15-anyos pa lang. Bunsod ng inis sa matagal na pila sa barberya, bumili siya ng clippers sa botika, tumapat sa ilang salamin, at sinubukang gupitan ang sarili. Nang magtagumpay siya, naisip niyang hindi ginugupit ng mga tao ang sarili nilang buhok dahil lang hindi nila nakikita ang tamang anggulo. Kung makagagawa siya ng salaming tatlong direksyon na madaling dalhin at i-adjust, maaa-ring maging solusyon ito sa libu-libong katulad niyang frustrated customer.
Habang nag-aaral ng nursing, patuloy siyang nagbabasa ng mga librong pang negosyo, dumadalo sa seminar, at nag-aaral sa pamamagitan ng internet. Kumuha siya ng full-time na trabaho bilang nurse para makaipon ng $25,000 at kumuha pa ng $40,000 loan bilang fallback. Makalipas ang pitong taong pagtitiyaga, nag-resign siya sa pagnu-nurse para ituon ang panahon sa Self-Cut System. Ngayon, isa na itong multi-million-dollar global brand.
Naitaguyod ni Ryford ang kanyang brand sa loob ng 15 taon sa pamamagitan ng pagiging malikhain at totoo sa sarili. Ginamit ang kanyang produkto sa isang barber competition sa Connecticut. Tampok ang kanyang kuwento sa YouTube, Instagram, at sa WorldStarHipHop. Naging punong-abala rin siya sa international Self-Cut System seminars sa Colombia at Brazil. Habang isinusulat ito, binabalak niyang magtayo ng pagawaan sa Pilipinas upang makapagbigay ng trabaho sa mga kababayan.
Sa parehong istorya nina Julian at Ryford, makikita ang lakas ng Filipino ingenuity: ang talino sa paglikha ng solusyon, ang natural na kakayahang makibagay, at ang sipag na ipagpatuloy ang sinimulan. Sa dalawang barberong ito, malinaw na kahit sa propesyong matagal na, may bagong puwang para sa inobasyon, digital na estratehiya, at tunay na malasakit sa mga tao.
* * * * * * * * * * * *
Email- [email protected]