Kuya Will, handa nang sumabak sa pulitika!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

February 23, 2025 | 12:00am

HALOS 27 na taon nang television show host si Willy Revillame kaya naririnig o naramdaman na niya ang problema ng mga mahihirap na Pinoy. Sa ganung katagal na panahon, idiniin ni Revillame na ilang presidente, senador, congressmen at mayor na ang dumaan subalit hindi naman nabago ang pamumuhay ng mga kapuspalad na kababayan natin.

Kaya para kay Revillame, napapanahon na para pasukin niya ang pulitika at nangangako s’ya na gagamitin n’ya ang kanyang puso’t damdamin para bigyang lunas ang mga problema ng mga nasa laylayan ng  lipunan. Dipugaaaaa!

Ayon sa TV host, maraming beses na siyang inalok na pumasok sa pulitika subalit tinanggihan niya dahil hindi pa s’ya handa. Sinabi ni Revillame na ngayon na ang “right time” para  tumakbo siya bilang senador.

At ang magandang balita mga kosa, sa latest OCTA Research survey, si Revillame ay ranked 4th to 11th o may 48 percent na tsansang manalo sa darating na May midterm election. Eh di wow!

Humarap sa media ang Independent senatorial candidate na si Revillame sa Pasig City noong Biyernes kung saan pormal niyang inanunsiyo ang kanyang kandidatura sabay pahayag ng kanyang mga plano.

Ayon kay Revillame, wala sa bokabolaryo niya ang pang-aapi ng kapwa o maging ang paglilinlang o lalo na ang pagnanakaw sa mga Pinoy.

Alam naman ng TV host na uulanin siya ng batikos ng ilang sektor, lalo na sa anggulo na ang trabaho sa Senado ay ang pagplantsa ng mga batas.

“Sabi nga nila wala raw akong alam. Tama sila. Wala akong alam na mang-api ng kapwa. Wala akong alam na mang-isa ng kapwa Pilipino. Wala akong alam na magnakaw. Ang alam ko lang ay makagawa ng kabutihan sa mga nangangailangan nating kababayan,” sabi ni Revillame. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Kung tinanggihan ni Revillame ang hamon na pasukin niya ang pulitika noong mga nakaraang elections, sa ngayon sumabak na s’ya dahil handa na. “For me, alam niyo naman na maraming nag-alok sa akin to run for senator. Ako, sa tingin ko, dapat handa ka sa lahat. Hindi ka pwedeng sumabak sa isang bagay na wala kang alam,” aniya.

Hayan mga kosa, handang-handa ng lumaban si Kuya Will para matulungan ang mahihirap. Sa katunayan, iniwan muna ni Revillame ang TV program niya na Wil to Win at sa nyayon ay naka-focus s’ya sa pag-iikot sa lahat ng sulok ng Pinas para mangampanya. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Maaring walang experience si Kuya Will sa larangan ng pulitika subalit kapag pinalad siya, nangako siyang tutukan ang problemang sa Agrikultura, Kalusugan, Edukasyon at Social Welfare. Abayyy ang mahihirap sa komunidad talaga naka-sentro ang isipan ni Kuya Will, ‘no mga kosa?

Wala namang pinapanigan na partido si Kuya Will subalit inihayag niya na tutulong siya sa anumang proyekto ng gobyerno ni President Bongbong Marcos na makakapagpagaan sa buhay ng mga mahihirap. Hayan, anong sey n’yo mga kosa? Abangan!