Lalaki, 50 taon na nagpanggap na bulag para makakolekta ng disability payments!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 17, 2025 | 12:00am

Isang 70-anyos na lalaki sa Vicenza, Italy, ang kinasuhan ng fraud matapos magpanggap na bulag nang mahigit 50 taon.

Sa loob ng limang dekada, nakatanggap ang lalaki nang mahigit 1 million euro (P62 million) mula sa disability payments.

Ang hindi ­pinangalanang suspek ay idineklarang legally blind matapos ang isang aksidente sa trabaho mahigit 50 taon na ang nakararaan.

Ngunit nang magsagawa kamakailan ng imbestigasyon ang finance police, nakunan siya ng video na mala­yang nakagagalaw sa kanyang lungsod.

Nakita siyang inaayos ang kanyang hardin gamit ang mapanganib na gardening tools.

Nakita rin siyang namamalengkeng mag-isa at ­maingat na sinusuri ang mga binibiling mga produkto nang walang katulong.

Matapos ang dalawang buwang pagmamanman, nakalap ang sapat na mga ebidensiya upang patunayang hindi siya bulag.

Dahil dito, kinasuhan siya sa Vicenza prosecutor’s office ng fraud. Agad na sinuspinde ang lahat ng kanyang welfare at social security benefits. Bukod dito, inutusan din ­siyang magbayad ng €200,000 (tinata­yang P12.4 million).

Ang insidenteng ito ay nagbigay-diin na dapat mas mahigpit ang verification mechanisms upang maiwasan ang ganitong uri ng pandaraya.