Lalaki, idedemanda ang pharmacy na naging daan para mabuking ang kanyang pagtataksil sa asawa!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

August 30, 2025 | 12:00am

ISANG lalaki sa China ang nagbabantang idemanda ang isang pharmacy dahil sa “invasion of privacy” matapos nitong aksidenteng ibunyag sa kanyang misis ang pagbili niya ng contraceptive pills, na naging sanhi ng pagkakabisto ng kanyang extramarital affair.

Ayon sa mga ulat, ang hindi pinangalanang lalaki ay bumili ng birth control pills sa isang pharmacy sa Guangdong province. Ginamit niya ang kanyang smartphone para magbayad, ngunit dahil sa “system problem”, hindi naging matagumpay ang transaksyon.

Napansin lamang ito ng staff nang nakaalis na ang lalaki at dala na nito ang contraceptive pills.

Upang singilin ang bayad, tinext ng staff ang numerong nakarehistro sa ginamit na membership card ng lalaki.

Ang hindi nila alam, ang numero ay sa kanyang misis. Nang tanungin nito kung ano ang binili ng mister, diretsahang sinabi ng empleyado na ito ay para sa contraceptive pills.

“Ngayon, alam na ng asawa ko ang lahat, at dalawang pamilya ang nasa bingit ng pagkasira. Gusto kong malaman ay kung may pananagutan ba ang inyong pharmacy?” galit na reklamo ng lalaki sa Weibo, isang Chinese social media app.

Bagama’t plano niyang magsampa ng kaso, sinabi ng mga legal expert na maliit ang tsansa niyang manalo.

“Ang pagtataksil ng lalaki ang pangunahing­ sanhi ng pagkasira ng pamilya, at dapat niyang tanggapin ang consequences ng kanyang mga aksyon,” sabi ni Fu Jian, isang abogado.

Ayon sa kanya, mahihirapang patunayan ng lalaki na ang ginawa ng pharmacy ang direktang sanhi ng pagkasira ng kanyang pagsasama, lalo na’t ang intensiyon ng staff ay maningil lamang.

Ang insidente ay nagdulot ng diskusyon online tungkol sa kung sino ang dapat managot sa sitwasyon.