ISANG lalaki sa Australia ang arestado matapos umorder ng radioactive material sa hangaring makumpleto ang lahat ng elements sa periodic table!
Ang kanyang tila inosenteng koleksiyon ay nauwi sa isang raid ng mga awtoridad, na nagdulot nang matinding takot at pagkabahala sa kanilang komunidad.
Kinilala ang suspek na si Emmanuel Lidden, 24, na inaresto sa kanilang tahanan sa Arncliffe, Sydney noong Agosto 2023 matapos ang isang malawakang operasyon ng Australian Border Force (ABF), kasama ang mga pulis, bumbero, at paramedics.
Suot ng mga awtoridad ang hazmat suits habang pinalibutan ang kanyang bahay, isinara ang kalsada, at inilikas ang mga kapitbahay matapos matuklasang may radioactive material sa kanyang kuwarto.
Ayon sa mga dokumento ng korte, matagal ng hobby ni Lidden ang pangongolekta ng iba’t ibang bagay, kabilang ang stamps at international currency. Kalaunan, naging misyon umano niya na makumpleto ang lahat ng elements sa periodic table, kahit pa kabilang dito ang mga delikadong radioactive substances tulad ng plutonium at depleted uranium.
Sa loob ng mahigit isang taon, umorder siya ng radioactive materials mula sa isang science collectibles website sa U.S. Nang dumating ang kanyang ika-11 order, kung saan kabilang ang mercury at thorium, dito na naalerto ang Australian Border Force.
Gayunman, isang pagkakamali ang naganap, dahil kahit na-block na ang kanyang order, naipadala pa rin ito sa kanya ng courier service.
Nang makipag-ugnayan ang courier upang bawiin ang package, agad naman daw pumayag si Lidden na ibalik ito. Ngunit huli na ang lahat dahil nakalatag na ang plano para sa kanyang pagkakaaresto.
Depensa ng kanyang abogado na si John Sutton, isa lamang siyang inosenteng science enthusiast at hindi isang kriminal na may masamang balak. Wala umano siyang intensiyon na gamitin ang mga materyales para sa anumang mapaminsalang layunin.
Gayunman, iginiit ng mga taga-usig na hindi maaaring ipagsawalambahala ang insidente. Ayon sa kanila, kahit wala siyang masamang balak, ang kanyang mga transaksiyon ay maaaring lumikha ng market para sa mga ipinagbabawal na nuclear materials sa Australia.
“Kung papayagan ang ganitong klaseng pagbili, mas maraming indibidwal ang maaaring mahikayat na mag-order ng radioactive substances nang hindi iniisip ang posibleng epekto nito,” sabi ng prosekusyon.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, si Lidden ay agad na sinuspinde sa kanyang trabaho bilang trainee train conductor. Kalaunan, tuluyan siyang natanggal sa Sydney Trains matapos niyang ipaalam sa kanyang employer ang kasong kinakaharap niya.
Sa ngayon, nagtatrabaho siya bilang isang fast food crew habang naghihintay ng hatol sa kanyang kaso. Bagama’t lumabas sa pagsusuri ng mga siyentipiko na hindi naman mapanganib ang mga sample na nakuha mula sa kanya, malinaw na lumabag siya sa Australia’s Nuclear Non-Proliferation Act. Dahil dito, maaari siyang makulong ng hanggang 10 taon.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa na ilabas ang pinal na hatol kay Lidden sa Abril 11, 2025.