Lalaki, muntik nang mamatay sa sepsis matapos tirisin ang tagihawat sa leeg!


ISANG lalaki sa Newport, Wales, United Kingdom ang nagbahagi ng kanyang kuwento bilang babala sa publiko matapos siyang muntik nang mamatay dahil sa sepsis, isang life-threatening na kondisyon na nagsimula lamang sa pagtiris ng tagihawat sa kanyang leeg.

Nangyari ang insidente noong 16-anyos pa lamang si Geraint Mullins. Ayon sa kanyang salaysay sa media, tiniris niya ang isang tagihawat sa kanyang leeg, isang karaniwang gawain para sa marami.

Ngunit sa loob lamang ng ilang araw, ang maliit na tagihawat ay nagkaroon ng nana at namaga na sinlaki ng bola ng golf. Nakaramdam siya nang matinding pang­hihina at pagkalito, na nag-udyok sa kanya na magpati­ngin sa doktor.

Agad siyang isinugod sa ospital at isinailalim sa dalawang magkasunod na operasyon upang alisin ang nana at nang malabanan ang kumakalat na impeksiyon sa kanyang katawan.

Ang sepsis ay isang mapanganib na reaksiyon ng immune system sa isang impeksyon, kung saan sinisimulan nitong atakihin ang sarili nitong mga tissue at organ.

Ngayon, sa edad na 24, layunin ni Mullins na bigyan ng kaalaman ang publiko tungkol sa mga sintomas ng sepsis na dapat bantayan.

Kabilang dito ang: Hirap magsalita, nabubulol o ngamol ang pagsasalita, matin­ding panginginig o pangangatog, hirap sa paghinga at pagkakaroon ng mga batik-batik na balat.

Ayon sa mga doktor, ang magandang pisikal na kondisyon ni Mullins bilang isang amateur footballer ang nakatulong upang malampasan ang sakit. “Kung hindi ako fit noon, baka natuluyan na ako,” sabi ni Mullins.

Ang kanyang karanasan ay isang matinding paalala na ang isang simpleng gawain ay maaaring magdulot nang malubhang panganib kung hindi mag-iingat, at ang kaalaman sa mga sintomas ng sepsis ay maaaring makapagsalba ng buhay.