INARESTO ng mga awtoridad sa India ang isang lalaki na nagtayo ng embassy kung saan nagpanggap siyang ambassador ng pekeng bansa upang makapanloko ng investors.
Ang suspek, na kinilalang si Harshvardhan Jain, ay nagtayo ng kanyang pekeng embahada sa isang bungalow sa Ghaziabad.
Upang maging kapani-paniwala, nagpanggap siyang isang mayaman at maimpluwensyang ambassador.
Gumamit siya ng mga pekeng dokumento, at naglagay pa ng mga watawat ng mga kathang-isip na bansa tulad ng “Ladonia”, “Poulva”, “Seborga” at “Westarctica” sa labas ng gusali.
Sinalakay ng Special Task Force (STF) ng Uttar Pradesh Police ang pekeng embahada, kung saan naaresto si Jain.
Nakuha mula sa kanya ang apat na sasakyan na may pekeng diplomatic number plates, mga pekeng “diplomatic passport” para sa 12 kathang-isip na bansa, mga pekeng selyo para sa 34 na iba’t ibang bansa, salaping nagkakahalaga ng 44 lakh rupees (2.9 million pesos), at koleksiyon ng mga mamahaling relo.
Ayon sa pulisya, nilinlang ni Jain ang mga indibidwal at kompanya sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga trabaho at business deal sa mga pekeng bansa kapalit nang malaking bayad.
Pinaghihinalaan din si Jain ng money laundering sa pamamagitan ng mga pekeng kompanya sa ibang bansa tulad ng United Kingdom, Mauritius, at United Arab Emirates.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Jain at nahaharap sa malawakang imbestigasyon para sa kanyang mga kaso ng panloloko at iba pang krimen.
Ang kanyang pagkakaaresto ay nagsisilbing babala sa publiko laban sa mga mapanlinlang na investment deals na kadalasan ay masyadong too good to be true.
Inaresto si Harshvardhan Jain makaraang magtayo ng pekeng embahada at magpanggap na ambassador.