Lalaki sa Japan, arestado matapos makalibre ng pagkain sa food delivery app sa loob ng 2 taon!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 26, 2025 | 12:00am

NAARESTO ang isang 38-anyos na lalaki sa Nagoya, Japan, matapos makapanloko sa isang food delivery app para makalibre ng higit 1,000 food orders sa loob ng dalawang taon.

Kinilala ang suspek na si Takuya Higashimoto, na nahaharap sa kasong fraud.

Ayon sa mga imbestigador, sinasamantala umano ni Higashimoto ang “contactless delivery” at “cancellation policy” ng food delivery app na Demae-can. Pagkatapos maihatid ang pagkain sa kanyang bahay, magrereklamo siya sa customer service na hindi niya ito natanggap. Dahil dito, nakakakuha siya ng refund.

Upang maiwasan ang pagkatuklas, gumamit si Higashimoto ng 124 na magkakaibang account. Marami sa mga ito ay may mga pekeng pangalan at address, at madalas siyang gumagamit ng prepaid cards bago kanselahin ang membership.

Tinatayang umabot sa 3.7 million yen ang kabuuang nalugi ng Demae-can dahil sa kan­yang modus.

“Sinubukan ko lang ang paraan na ito noong una. Nang napansin na ito ay gumana, hindi ko na napigilan ulit-ulitin ito,” pahayag ni Higashimoto sa pulisya.

Bunsod ng insidente, nag-anunsiyo ang Demae-can na magpapatupad sila ng isang bagong “alert system” upang matukoy ang mga kahina-hinalang aktibidad at maiwasan ang mga katulad na scam.