Lalaki sa US, umani ng puna sa kakaibang ehersisyo na nagdulot ng hindi pantay na paglaki ng muscles!


ISANG 19-anyos na lalaki ang nakatawag ng atensyon online matapos isapubliko ang kanyang hindi karaniwang fitness regimen, ang pag-eehersisyo lamang sa kaliwang bahagi ng katawan, partikular sa trap muscle, na nagresulta sa labis na hindi pantay na anyo.

Sa TikTok, gamit ang username na ­­  @TheCrookedMon10, sinimulan ng binatilyo ang tinawag niyang “#looksminimizing” campaign bilang tugon umano sa lumalaganap na “looksmaxxing” trend, kung saan layunin ng karamihan sa mga kabataang lalaki ang pagpapaganda ng pisikal na anyo upang maging mas kaakit-akit.

Sa halip na sundin ito, pinili niyang salungatin ang konsepto sa pamamagitan ng sinadyang asymmetrical o hindi pantay na pagpapalaki ng muscle.

Sa loob ng 160 days, tinutukan lamang niya ang kaliwang bahagi ng kanyang trapezius muscle. Bagamat may mga pag-aaral na nagpapakitang maaaring magkaroon ng indirect gains sa kabilang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng ­phenomenon na tinatawag na “cross education,” malinaw ang malaking pagkakaiba ng laki sa pagitan ng dalawang trap muscles ng binatilyo.

Dahil dito, umani siya ng magkahalong reaksiyon mula sa publiko. May mga natuwa at natawa sa kanyang pagi­ging “iba,” ngunit marami rin ang nagbabala sa posibleng epekto nito sa kalusugan.

Ayon sa ilang komento, maaaring magdulot ng posture problems, muscle strain, at iba pang pangmatagalang komplikasyon ang ganitong uri ng ehersisyo.

Sa kabila ng mga babala, ipinagpapatuloy pa rin ng binatilyo ang kanyang ­eksperimento. Sa kasalukuyan, nagsimula na siyang mag-focus naman sa pagbuo ng kanang binti lamang.

Patuloy siyang sinusubaybayan ng kanyang followers sa TikTok, ngunit nananatiling bukas ang tanong kung ito ba ay isang uri ng performance art, o isang mapanganib na eksperimento sa katawan.