Landfill sa Rizal gumuho: 50 katao missing!


February 23, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Isang bahagi ng sanitary landfill sa Rodriguez, Rizal ang kumpirmadong gumuho noong Biyernes ng hapon habang binu-bulldozer ang mga basura roon.

Mismong si Rodriguez Municipal Police Station chief PCol. Arwyn Gaffud ang nagkumpirma sa isang panayam sa radyo kahapon ng hapon sa insidente at nilinaw niya na batay sa kanilang nakalap na inisyal na imbestigasyon at impormasyon ay walang namatay o natabunan ng basura sa insidente taliwas na may tatlong nasawi.

“Sa ating inisyal na imbestigasyon po at information na nakalap po natin, base sa interview sa management ay wala pong namatay o natabunan ng mga basura,” ayon pa kay Gaffud.

Nabatid na dakong alas-4:00 ng hapon ng Pebrero 20 nang maganap ang pagguho sa loob ng sanitary landfill na matatagpuan sa Barangay San Isidro.

Ani Gaffud, nagtungo sila sa landfill at nakapanayam ang isang foreman na nagkumpirma ng pagguho.

Aniya, may nagtatrabahong tatlong bulldozer sa ibabaw ng bundok ng mga basura ngunit gumuho ito dahil malambot pa pala ang ilalim nito.

Kasama umano ng mga basura na gumuho ang mga bulldozer na inu-operate ng tatlong tauhan nila ngunit hindi naman umano sila nasaktan matapos na magawang kaagad na makalabas.

Tiniyak naman ni Gaffud na hindi pa tapos ang isinasagawa nilang imbestigasyon at sa ngayon ay hinihintay pa rin nila ang buong ulat ng pamunuan ng landfill upang matukoy ang buong kaganapan sa insidente.

Una nang sinabi ng urban poor advocate na Kadamay o Kalipunan ng Damayang Mahihirap na gumuho ang bahagi ng naturang tambakan ng basura sa Sitio 1B Hara­ngan, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Pebrero 20, at 50 katao ang pinangangambahang nawawala.

Ayon sa grupo, tinatayang aabot sa 100 katao ang naapektuhan sa insidente at nasa 50 katao ang iniulat na nawawala.