Wala pang lantad na datos o komprehensibong pag-aaral hinggil sa mga ba-baeng overseas Filipino worker na humahawak ng white collar job, iyong nagiging CEO o manedyer o ibang mas matataas na posisyon sa pinagtatrabahuhan nilang kumpanya sa ibang bansa. Mataas ang sahod o kinikita. Iginagalang. Maipagmamalaki. Iyong mga Pilipinang edukado, may kasanayan, na nagkaroon ng mas maga-gandang oportunidad sa ibayong-dagat. Bukod siyempre ito sa mga propesyonal na Pilipina na nagpraktis ng kanilang karera sa labas ng Pilipinas tulad ng mga duktor, nurse, inhinyero, scientist, teacher, IT professional, software engineer, programmer, caregiver, mechanic, technician, accountant, auditor, banker, chef, artist, at iba pa.
Marami nang babaeng OFW ang umaasenso at nagtatagumpay, umaangat ang karera, tumatanggap ng mga karangalan, at hinahangaan sa kanilang mga gawain sa ibang bansa kung pagbabatayan ang mga napapabalita hinggil sa kanila. Nakakatanggap sila ng mga pagkilala sa kinaroroonan nilang dayuhang bansa at maging dito sa Pilipinas. Umangat sila sa pamamagitan ng mga pagsisikap, pagpupunyagi, pagtitiyaga, lakas ng loob, tibay ng dibdib at pananalig sa kabila ng mga kinaharap nilang mga hamon at problema. Malimit silang itinatampok sa mga media (print man o online edition) sa ibang bansa at nakakarating sa Pilipinas ang kanilang mga tagumpay. Nagsisilbi silang huwaran at inspirasyon sa ibang mga babaeng OFW.
Kabaligtaran sila ng mga babaeng OFW na distressed, kinawawa, minamaltrato, inaapi, inabuso, pinahirapan, inalipin, napakababa ng trabaho, pinagsasamantalahan, minamaliit, dinudusta, sinasaktan, ginugutom, hindi binabayaran ng amo, nademanda, nakulong, pinatay o binitay sa ibang bansa. Karaniwan na iyong mga tinatawag na runaway o mga Pinay DH na tumatakas sa kanilang mga amo dahil sa masasama nilang karanasan dito. Napakahaba na ng listahan ng mga distressed na Pinay DH na nagkanlong sa mga shelter ng Migrant Workers Office (dating Philippine Overseas Labor Office) at ng Overseas Workers Welfare Office sa iba’t ibang bansa lalo na sa mga bansang Arabo sa Middle East. Nariyan din iyong mga OFW na un-documented, nakapasok sa ibang bansa sa iligal na paraan at nabiktima ng human trafficking na dahilan para malagay sa panganib o kagipitan ang kanilang buhay.
Lagi ngang may problema o nakakalungkot o nakakadismayang mga isyu sa mga Pilipinang domestic helper sa ibayong-dagat. Sila ang madalas na napapabalita, natututukan ng atensiyon at makinarya ng pamahalaan, at napapatampok sa mga panawagan ng mga tagapagtaguyod ng karapatan at kagalingan ng mga OFW. Malimit na ipinagbabawal ang pagpapadala ng mga domestic worker sa isang bansa kapag merong OFW na namatay o nadisgrasya doon pero binabawi kinalaunan ng Pilipinas ang ‘ban.’ Matagal nang panawagan na ganap at tuluyan nang itigil nang permanente ang pagpapadala ng mga domestic helper na Pinay sa ibang bansa pero nananatili na lang itong panawagan.
Marami rin sa mga babaeng OFW ang may mga anak na naiwan sa Pilipinas. Meron sa kanila na sanggol pa lang ang kanilang anak nang mangibang-bansa sila kaya halos hindi na sa kanya ito lumaki o parang naging estranghero na sila sa isa’t isa dahil hindi na siya makilala. May mga inang OFW na sa tulong ng teknolohiya tulad ng cellphone at internet, araw-araw nilang sinusubaybayan ang paglaki ng kanilang mga batang anak sa kabila ng kanilang mga kaabalahan sa dayuhang lupain. Tinitiis nila ang malayo at ang pangungulila sa kanilang mga anak alang-alang sa magandang kinabukasan ng mga ito. Ang iba ay napapahiwalay sa kanilang asawa at nasisira ang sariling pamilya bunga ng pakikipagsapalaran sa ibang-dagat.
Kasalukuyan ding napakarami ng mga babaeng OFW sa buong mundo. Sa ka-buuang bilang ng mga OFW noong Abril – Setyembre 2023 na umaabot sa 2.16 mil-yon batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, nakakarami ang mga babae sa bilang na 1.20 mil-yon o 55.6 porsiyento. Ganito rin ang lumalabas sa mga naunang estadistika ng PSA sa nagdaang mga taon tulad noong 2022 na babae ang nakakaraming OFW sa bilang na 1.14 milyon o 57.8 porsiyento.
Sa 1.20 milyong babaeng OFW, mayorya o 64.1 porsiyento ang nasa tinatawag na elementary occupation tulad ng domestic workers (kasambahay, yaya, housekeeper), cleaners, janitors, farm worker, vendor, service worker, messenger, courier, at iba pang katulad ng mga ito. Karaniwan, ang mga nasa elementary occupations ay binabayaran ng mababa at may limitadong benepisyo. Sa kaso ng mga babaeng OFWs, malaking porsyento ang nagtatrabaho bilang domestic workers sa Middle East, Hong Kong, at Singapore.
Gayunman, me-ron din namang mga Pinay na, kahit naging mababa ang trabaho sa ibang bansa tulad ng pagiging domestic helper, nagawa nilang maiangat ang buhay nila at ng kanilang pamilya. Umasenso, nakaipon, nakakuha ng mas magandang oportunidad o ibang trabaho na mas malaki ang kita, nakapagnegosyo, nakapagpatayo ng sariling bahay, napagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak at naging matagumpay sa pangingibang-bansa. Marami pa rin namang mga Pinay DH na nakakatagpo ng mabait at mapagmalasakit na amo na nagturing sa kanila bilang tao at kapamilya.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]