December 26, 2025 | 12:00am
VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang lider ng National Democratic Front (NDF) na nakabase sa rehiyon ng Mimaropa ang naaresto at nakumpiskahan ng mga baril at bala nang salakayin ang tinitirhan nito sa Barangay San Vicente, Abra De Ilog, Occidental Mindoro, noong Martes ng hapon.
Kinilala ni Lt. Col. Ganaban Ali,Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon regional chief, ang NDF commander na si Ramon Alcantara, 57, residente ng Sitio Pamanikan, Occidental Mindoro.
Sinabi ni Ali na si Alcantara ay American citizen bilang ebidensya sa paghawak ng kanyang United States passport at identification card na narekober.
Idinagdag niya na si Alcantara ay NDF commander batay sa mga listahan sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Sa ulat, nagsagawa ng search warrant ang mga otoridad na inisyu ni Hon. Pas Soledad Rodriquez-Cayetano,Executive Judge, Regional Trial Court, Puerto Princesa, Palawan, na may petsang Disyembre 23 nang salakayin nila ang bahay ni Alcantara bandang alas-4:05 ng umaga at natapos bandang ala-1:13 ng hapon.
Dinala sa kustodiya ng CIDG-Batangas ang naarestong suspek at mga nasamsam na mga baril at bala para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.