August 29, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sinuportahan ni Vice President Sara Duterte ang direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng lifestyle checks sa lahat ng opisyal ng pamahalaan, bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa panayam kay VP Sara sa The Hague, Netherlands, kamakalawa, sinabi ni VP Sara na hindi lamang mga elected public officials ang dapat na isailalim sa lifestyle check, kundi ang mga appointed officials.
Dapat rin aniyang “deep dive” ang gawing lifestyle checks at hindi lamang pagrepaso sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng public officials.
“Oo, dapat lang. At hindi lang ‘yung elected public officials ha pati ‘yung mga appointed public officials at hindi lang ‘yung on the surface na sasabihin natin kung ano yung nasa SALN, dapat deep dive,” ayon pa kay VP Sara.
Sinabi pa ng bise presidente na dapat ring tukuyin ang mga dummy na nagsisilbing front ng mga government officials.
Si VP Sara ay kasalukuyang nasa The Hague upang bisitahin ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte, na nakapiit doon bunsod ng kinakaharap na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
