Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, bitbit si Abalos


MANILA, Philippines — Opisyal nang inendorso ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LNB) ang kandidatura ni dating DILG Secretary Atty. Benhur Abalos Jr. para sa pagka-senador.

Sa national convention ng LNB nitong Martes sa World Trade Center sa Pasay City, binigyang-diin ni LNB national president Jessica Gallegos Dy ang mahalagang papel na ginampanan ni Abalos noong siya ay nanungkulan bilang Kalihim ng DILG lalo na ang kanyang pagkilala sa barangay bilang pinakamaliit ngunit napakahalagang yunit ng lokal na pamahalaan.

Nagpasalamat si Abalos sa mainit na suporta ng Liga at sa lahat ng mga barangay leader sa buong bansa sa kanilang patuloy at tapat na paglilingkod.

“Maraming maraming salamat sa lahat ng barangay captain ng Pilipinas sa pagsisilbi ninyo sa ating bayan,” ani Abalos.

Kung palaring mahalal, nangako si Abalos na magiging matatag siyang tagapagsulong ng kapakanan ng mga lokal na pamahalaan upang higit na mapaigting ang pamumuno sa mga barangay.

Nangako rin si Abalos na isusulong niya ang panukalang alisin ang VAT sa kuryente at iba pang buwis sa krudo na ginagamit sa power generation upang mapababa ang presyo ng kuryente at makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.

Nais din niyang ipatupad ang komprehensibong programa para sa mga magsasaka, kabilang ang abot-kayang pautang, pagbawas ng buwis sa lupa, pinalawak na crop insurance, at tulong sa edukasyon ng kanilang mga anak.

Sinusuportahan din niya ang agarang pagpasa sa National Land Use Act upang maprotektahan ang mga lupang pansakahan at isulong ang balanseng pag-unlad ng bansa.