August 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lifestyle check sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng kontrobersiya sa flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ipinag-utos din ng Pangulo ang tuluy-tuloy na pagsusuri sa mga records ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa mga maanomalyang proyekto ng ahensiya.
Giit pa ni Castro na tuluy-tuloy ang imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod ng mga proyekto na dapat sana ay makakatulong sa solusyon sa malawakang pagbaha sa bansa.
Sa ngayon aniya ay mayroon ng 11 proyekto ang personal na nainspeksyon ni Pangulong Marcos at ito ay mula sa Marikina, Bulacan, Iloilo at Benguet ilang araw matapos matanggap ang reklamo sa Sumbong sa Pangulo website.
Umaabot na aniya sa 9,020 reports ang natanggap ng Pangulo, kaya patuloy niyang hinihiyakat ang publiko na magsumbong tungkol sa mga maanomalyang flood control projects sa kanilang lugar.
Paliwanag naman ni Castro na ang may sakop na ahensiya ng gobyerno ang siyang magsasagawa ng lifestyle checks sa lahat ng patungkol sa flood control projects dahil binibigyan nila ng karampatang tiwala ang mga ito.
Subalit kapag mayroon namang nakitang anomalya sa mga nag-iimbestiga ay maging sila ay iimbestigahan.
