Lola, lumunok ng 8 buhay na palaka upang gamutin ang masakit na likod!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

ISANG matandang babae sa Hangzhou, Zhejiang province sa China, ang naospital matapos lumunok ng walong buhay na palaka sa pagtatangkang gamutin ang pananakit ng likod na sanhi ng herniated spine disc.

Ayon sa ulat, nakarinig si Mrs. Zhang ng bulung-bulu­ngan na ang paglunok ng buhay na palaka ay makakatulong sa pananakit ng likod. Humiling siya sa kanyang mga kamag-anak na manghuli ng palaka, ngunit hindi niya sinabi ang kanyang intensiyon.

Lumunok siya ng limang buhay na palaka sa isang araw, at sinundan ito ng tatlo pa nang sumunod na araw. Hindi nag­tagal, nakaranas siya nang matinding pananakit ng tiyan.

Sa simula, bahagya lamang ang nararamdaman ni Zhang sa kanyang tiyan, ngunit tumindi ang sakit sa mga sumunod na araw. Nang hindi na niya makayanan, umamin siya sa kanyang pamilya na lumunok siya ng walong buhay na palaka.

Agad siyang isinugod sa First Affiliated Hospital of Zhejiang University, kung saan isinagawa ang mga test. Naibukod ang posibilidad ng tumor, ngunit natuklasan ang abnormally mataas na bilang ng oxyphil cells sa kanyang katawan, isang senyales na mayroon siyang parasitic infections o blood disorders.

“Ang paglunok ng buhay na palaka ay nakapinsala sa digestive system ng pasyente at nagpahintulot sa mga parasite na makapasok sa kanyang sistema,” sabi ng isang doktor sa mga reporter.

Idinagdag niya na ang pasyente ay nahawahan ng Sparganum tapeworm, isang parasite na karaniwang matatagpuan sa mga taong kumakain ng palaka at ahas.

Matapos ma-confine ng dalawang linggo sa ospital, gumaling si Mrs. Zhang at na-discharge. Gayunman, nais gamitin ng mga doktor ang kanyang kaso bilang isang babala tungkol sa mga panganib ng mga folk remedies.

“Bukod sa paglunok ng palaka, maraming tao rin ang kumakain ng apdo ng ahas, hilaw na apdo ng isda, o tinatapalan ang kanilang katawan ng balat ng palaka,” sabi ng isang doktor.

“Karamihan sa kanila ay matatanda at bihirang talakayin ang kanilang kalusugan sa kanilang mga anak at apo, at pupunta lamang sa ospital kapag malubha na ang kanilang sakit.”