February 26, 2025 | 12:00am
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang babaeng senor citizen ang patay matapos na ma-heat stroke habang dumadalo sa isang pagtitipon na ipinatawag umano ng gobernatorial candidate na mamamahagi ng cash aid sa Cavinti, Laguna nitong Lunes.
Kinilala lamang ang biktima na si alyas “Zaida”, 69-anyos, residente ng Brgy. Layasin, Cavinti, Laguna, nakaranas umano ng pagkahilo at pananakit ng dibdib dahil sa sobrang init at kawalan ng maayos na bentilasyon sa venue.
Ang lola ang biglang bumagsak at nawalan ng malay kung kaya agad siyang dinala sa ospital, ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Ayon sa mga kaanak, dumalo ang biktima sa isang event matapos ipaalam ng isa sa apat na tagasuporta ng gubernatorial candidates na magbibigay ang kongresista ng P2,000 cash assistance.
Sinabi ng mga residente na ang masikip at mahinang bentilasyon ng mga lugar ng naturang pagtitipon ay nagdudulot ng malubhang panganib, lalo na sa mga mahihinang indibidwal tulad ng mga senior citizen.
Ang kaganapan ay inorganisa ng mga tagasuporta ng Santa Rosa Congressman Dan Fernandez, na tumatakbo bilang gobernador ng Laguna.
