LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Umabot lahat sa kabuuang bilang na 4,435,763 na turista (4,381,598-domestic tourist; 54,165-international tourist) ang bumisita sa iba’t ibang tourist destinations sa Kabikolan noong nakaraang taon 2024.
Sa pahayag ni Department of Tourism-Bicol regional director Herbie Aguas sa “Kapihan ng Bagong Pilipinas” nakapag-generate ang dumating na mga turista ng mahigit P3.3-bilyong income sa rehiyon kung saan P3.2 bilyon ay mula sa domestic tourists base na rin sa naipong domestic tourists receipts habang P103-milyon sa foreign receipts.
Nanguna sa mga dumating na mga dayuhang turista ay mula sa USA; sunod ang China; Australia, Germany; Canada; United Kingdom; France; Russia; Korea; at Spain.
Sa anim na lalawigan ng rehiyon, nanguna ang Albay sa may pinakamaraming bumisitang turista na nasa 1,391,170 domestic tourists at 16,023 international tourists.
Muli umanong pinatunayan ng lalawigan na nangunguna pa rin ang Mt. Mayon sa mga dinarayo ng turista kung saan patok din dito ang all terrain vehicle experience, masasarap na pagkain at iba’t ibang produkto.
Pumangalawa sa dinarayo ay ang Camarines Sur na may 1,342,340 domestic at 20,194 international tourists; Camarines Norte na 888,810 domestic, 474 international; Sorsogon na may 411,437 domestic, 8,197 international; 210,681 domestic at 1,089 international tourists sa Masbate; habang 137,070 domestic at 8,307 international tourists sa Catanduanes.
Binigyang diin ni Aguas na inaasahan nila ang pagdagsa ng turista ngayon taon dahil sa inihanda nilang ibat-ibang programa gaya ng pangalawang taon ng “Bicol Loco Festival” sa Legazpi City sa buwan ng Mayo na pinondohan ni Ako Bicol Cong. Elizaldy Co ng P100-milyon. Tinatayang dadagsain ito ng higit 500,000 turista dahil sa muling paglipad ng hot air balloon, airshows ng mga eroplano, sky diving, konsyerto at iba pa.
Sa “Regional Tourism Plan 2023-2028” target ng Kabikolan ang 8.5 milyong tourist arrival at 34.5 bilyong tourist receipts at makapag-generate ng 15 porsyentong pagtaas sa employment rate ng rehiyon.