Lolo, nangholdap para makulong at makasama ang apong bilanggo!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 11, 2025 | 12:00am

Isang 60-anyos na lalaki sa Guadeloupe ang nangholdap sa isang supermarket sa pamamagitan ng panunutok ng baril.

Ang kanyang layunin: makulong upang matulungan at makasama ang kanyang apo na isang bilanggo.

Ayon sa ulat ng mga local media, ang suspek ay dating bumbero at walang anumang criminal record. Ginawa niya ang krimen sa isang supermarket na malapit sa police station.

Matapos kunin ang pera sa cash register at magnakaw ng cheese at alak, dahan-dahan siyang naglakad pabalik sa kanyang kotse, na tila nais niyang magpaaresto.

Inaresto nga siya ng mga pulis.

Binigyan naman siya ng abogado.

“Siya ay desperado: hindi siya interesado sa pera, gusto lang niyang makulong upang makasama ang kanyang apo,” sabi ni Léa Le Chevillier, ang court-appointed lawyer ng matanda.

Ayon sa abogado, nais samahan ng ma­tanda ang kanyang apo sa kulungan. Binisita umano ng matanda ang apo kamakailan at nakitang may basag na ngipin matapos gulpihin ng kanyang mga kapwa preso.

Dahil sa kasong armed robbery, aggravated assault, at rebellion, humarap sa korte ang matanda. Inamin niya ang mga paratang laban sa kanya.

Gayunman, ang “clean record” ng matanda ay nag-iwan ng pagtataka sa lahat, kabilang ang presiding judge.

Sa halip na tatlo hanggang limang taon na pagkakakulong, ipinasya ng hukom na

na bayaran na lamang ng matanda ang kanyang mga ninakaw, tumanggap ng psychological treatment, at pinagbawalan itong pumunta sa supermarket na kanyang ninakawan.

Ayon sa hukom, na­gawa ng matanda ang pagnanakaw dahil sa desperasyon. Hindi umano ito dapat makulong.

Pinanatili naman ang kanyang karapatang bisitahin ang kanyang apo sa legal na paraan at hindi na kailangang maging preso.