August 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Isa nang bagyo ang low pressure area (LPA) na namataan sa Aurora na tatawaging Isang.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Isang ay namataan ng PAGASA sa bisinidad ng Casiguran, Aurora at kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 55 km bawat oras at may pagbugso na hanggang 90 km bawat oras.
Si Isang ay inaasahang dadaan sa Northern Luzon sa susunod na 12 oras at tatahakin ang West Philippine Sea sa gabi.
Lalakas ito at maaaring maabot ang severe tropical storm category habang papalapit sa timog ng Hainan, China.
Bunsod nito, nakataas ang signal number 1 sa Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at northern and central portions of Aurora at northern portion ng Nueva Ecija.
Ngayong Sabado ng tanghali, August 23, si Isang ay inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).