Lumalabong relasyon | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

October 13, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Magandang araw po. Tawagin n’yo na lang po akong Maya, 26 taong gulang, at may boyfriend na nagtatrabaho ngayon sa abroad bilang OFW. Mahigit dalawang taon na kaming magkalayo, pero nitong mga nakaraang buwan ay tila lumalabo ang aming relasyon dahil sa pagdududa ko.

Noong una, araw-araw kaming nagkakausap at nagkakamustahan. Pero ngayon, bihira na siyang mag-message. Madalas niyang dahilan ay pagod siya o may overtime sa trabaho. Naiintindihan ko naman, pero hindi ko maiwasang mag-isip nang kung anu-ano. Minsan, nakikita ko sa social media na may mga babae siyang kasama sa mga post ng mga kababayan nating OFW. Doon ako nagsimulang magduda at hindi mapakali.

Aminado akong nagiging selosa at mapanghinala. Pero hindi rin madali para sa akin ang maghintay at magtiwala habang siya ay nasa malayo. Mahal ko siya at ayokong masira ang relasyon namin, pero hindi ko rin alam kung paano ko mapapawi ang takot na baka may iba na siya roon.

Maya

Dear Maya,

Ang pagdududa ay parang kalawang sa relasyon — unti-unti nitong kinakain ang tiwala at pagmamahal kapag hinayaan mo. Naiintindihan ko ang pakiramdam mo. Mahirap talaga ang long distance relationship, lalo na kung OFW ang karelasyon mo. Hindi madali ang maghintay, at mas mahirap pa ang lumaban sa mga iniisip na baka may iba.

Pero tandaan mo, ang tiwala ay hindi ibinibigay lang, ito ay pinagtitibay araw-araw. Kung totoo ang pagmamahal ninyo, dapat pareho kayong kumilos para mapanatili ito. Huwag kang basta magpapadala sa nakikita mo sa social media — hindi lahat ng nakikita ay totoo o nangangahulugang may malisya.

Mas mabuti kung kausapin mo siya nang mahinahon. Sabihin mo kung ano ang nararamdaman mo, pero iwasan ang paninisi. Ipaliwanag mo na hindi mo siya gustong kontrolin, gusto mo lang maramdaman ulit ang kanyang presensya kahit malayo siya.

At habang hinihintay mo siya, huwag mong kalimutan ang sarili mo. Gamitin mo ang oras para mag-grow — sa trabaho, sa pamilya, sa pa-nanampalataya. Kung matatag ka, mas madali mong maipapakita sa kanya na karapat-dapat kang pagkatiwalaan, at ganon din siya sa’yo.

DR. LOVE