Reyes PBAPC Coach of the Year


Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 4:31pm

MANILA, Philippines — Hinirang si TNT Tropang 5G mentor Chot Reyes bilang Coach of the Year ng PBA Press Corps sa idaraos na 31st edition ng Awards Night bukas sa Novotel Manila.

Iginiya ng 62-anyos na si Reyes ang Tropang 5G sa dalawang PBA championships at tatlong Finals appea­rances sa mahabang 75-game season.

Tinalo ng TNT mentor para sa kanyang pang-pitong Virgilio ‘Baby’ Dalupan Trophy mula sa mga regular na nagkokober ng PBA beat si San Miguel Beer counterpart Leo Austria.

Igagawad naman kay top sports patron at TNT team owner Manny V. Pangilinan ang Danny Floro Executive of the Year award.

Ang 79-anyos ding business tycoon ang tatayong special guest of honor at speaker ng annual event.

Inihatid ni Reyes, dating Gilas Pilipinas coach, ang Tropang 5G sa tatlong dikit na Finals appearances sa PBA Season 49 at nakopo ang Governors’ Cup at Commissioner’s Cup.

Ngunit bigo siyang makamit ang inaasam na Grand Slam sa nakaraang 11 taon nang matalo ang TNT sa San Miguel sa Philippine Cup title series.

Sa kabila nito, ang kanyang 48-27 (win-loss) record ang pinakamaganda sa nakaraang season, habang ang nailista niyang total 75 games ang tumabla sa naitala ni Tim Cone nang tulungan ang Alaska sa pagsikwat sa Grand Slam noong 1996.

Si Reyes ang kauna-unahang ginawaran ng award na ipinangalan sa tinawag na ‘Maestro’ ng Philippine coaching noong 1993 na naulit noong 2002, 2003, 2009, 2011 at 2021.

Ang iba pang awardees ay sina Zavier Lucero ng Magnolia (Defensive Player of the Year), Brandon Ganuelas-Rosser ng TNT (Bogs Adornado Comeback Player of the Year), San Miguel guard Don Trollano (Mr. Quality Minutes) at Arvin Tolentino ng NorthPort (Scoring Champion).

Paparangalan din ng PBA Press Corps para sa Season 49 sina Calvin Oftana ng TNT (Order of Merit), ang All-Rookie Team, RJ Abarrientos (Barangay Ginebra), Sedrick Barefield (Blackwater), Caelan Tiongson (Rain or Shine), Jordan Heading (TNT), Justine Baltazar (Converge) at Kai Ballungay (Phoenix) at ang Game 7 ng TNT-Barangay Ginebra Commissioner’s Cup Finals (Game of the Season).