MANILA, Philippines — Hinoldap ng apat na armadong lalaki na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na robbery-holdup syndicate ang isang mag-asawang Briton na puwersahang pinasok ang kanilang tahanan na tinangay ang kanilang pera, personal na mga kagamitan, pagkain, at kinarnap pa sa pagtakas ang SUV ng mga banyaga sa bayan ng Dauin, Negros Oriental, ayon sa ulat kahapon.
Ang mag-asawang sina James, 79 at Rose, 48 anyos ay dumulog sa pulisya upang isuplong ang insidente at mabawi ang kanilang sasakyan, mga kagamitan, at iba pa na tinangay ng mga suspect.
Sa ulat ni P/Lt. Monico Cubalan Jr., deputy chief ng Dauin Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa tahanan ng mag-asawa bandang alas-9 ng gabi may dalawang araw na ang nakalilipas sa Brgy. Bunga ng nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigasyon, nasa may sala ang mag-asawa nang bigla na lamang silang pasukin ng mga armadong kawatan.
Agad na tinutukan ng baril ng mga suspect ang mag-asawa saka nagdeklara ng holdap at tinangay ang wallet ng mister na naglalaman ng mahigit P2,000 cash, mga alahas, cellphone, mga pagkaing delata, isang tray ng itlog mula sa kusina, at iba pa.
Bago tumakas, kinuha pa ng mga suspect ang susi ng mag-asawa sa kanilang SUV na nakaparada sa garahe na ginamit nilang getaway vehicle. Kalaunan, ang nasabing behikulo ay narekober ng mga awtoridad kamakalawa na inabandona sa isang liblib na bahagi ng Brgy. San Antonio, Sibulan, Negros Oriental.
May natukoy na rin na persons of interest ang mga awtoridad sa krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.